MAKAKAASA ang Cambodia na magiging pinakamalakas na tagasuporta at pinakamapagkakatiwalaang kasosyo nito ang China ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi.
Ito ang mga naging pahayag ni Wang Yi matapos makipagpulong kay Cambodian King Norodom Sihamoni sa Cambodian Capital City ng Phnom Penh.
Ayon kay Sihamoni, lubos na pinahahalagahan ng Cambodia ang China dahil sa walang palyang suporta na ibinibigay nito sa kanilang bansa lalo na sa tulong nito sa pang-ekonomiya at panlipunang pag-unlad ng Cambodia, na nagbigay ng malakas na puwersa sa pagtatayo ng Cambodia-China Community.
Dahil sa malaking tiwala ng Cambodia sa China, nakatakda na naman ang dalawang bansa na magtatag ng isang industrial developent corridor upang suportahan ang conversion ng Sihanoukville sa baybayin ng Cambodia na may isang multipurpose special economic zone.
Kabilang din dito ay ang pagtatayo ng isang fish and rice corridor na siyang umano higit na magpapalakas sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Ayon sa hari, ang Cambodia ay matatag na sumusunod sa prinsipyo ng one-China at naniniwala sa hangarin nito na bumuo ng isang komunidad na may magandang kinabukasan para sa sangkatauhan.
Dagdag pa niya, matatag ang kanyang paniniwala na ang pagkakaibigan sa pagitan ng Cambodia at China ay maipapasa sa mga susunod pa na henerasyon at ito ay lalakas pang lalo sa paglipas ng panahon.