Christian Sia nahaharap na sa DQ case kasunod ng “siping joke”, body shaming sa kampanya

Christian Sia nahaharap na sa DQ case kasunod ng “siping joke”, body shaming sa kampanya

NANGANGANIB na ngayon ang kandidatura ni Pasig City congressional candidate Christian Ian Sia.

‘Yan ay matapos tuluyan na siyang sinampahan ng disqualification case ng COMELEC Task Force SAFE (Safeguarding Against Fear & Inclusion in Elections), kasunod ng kaniyang viral na “siping joke” sa mga solo parent at ang kaniyang ginawang body shaming sa kampanya.

Bago ang pagkakaso, binigyan si Sia ng task force ng pagkakataong magpaliwanag pero sa kabila nito, nakita umano na may paglabag ang kandidato sa Anti-Discrimination and Fair Campaigning Guidelines at sa SAFE Space Resolution ng poll body.

Ito ang kauna-unahang DQ case na isinampa ng task force laban sa kandidatong nakagawa ng diskriminasyon at ng mga hindi kaaya-ayang pahayag sa pangangampanya.

“We conducted our own investigation, we issued the show cause order, we considered his answers… based on his [response], we prepared this petition,” ayon kay Director Sonia Bea Wee-Lozada, head ng COMELEC Task Force SAFE.

Hiniling ng task force sa kanilang petisyon na suspendihin ang proklamasyon ni Sia sakaling manalo ito sa eleksiyon kung hindi pa rin nareresolba ang kanilang DQ case.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. Rex Laudiangco, ang petisyon ay ira-raffle sa dibisyon ng COMELEC.

Pagkatapos itong mai-raffle, pag-aaralan ng dibisyon ang petisyon at saka mag-iisyu ng summon para pasagutin si Sia sa petisyon bilang bahagi ng due process.

Ang sagot niya ay titimbangin ng dibisyon at saka magpapalabas ng desisyon sa kaso kung ito ba ay ibabasura o kakatigan ang petisyon.

Napag-alaman naman na mayroon nang grupo ng solo parents ang naghain ng reklamo sa COMELEC para sa election offense laban kay Sia.

Pag-aaralan umano ng law department kung may probable cause ang reklamo at kung may nalabag na batas o resolusyon.

Kung irerekomenda ng law department ang pagsasampa ng election offense, ito ay kailangang aprubahan ng COMELEC en banc.

“Kung sinang-ayunan ng COMELEC en banc, diretso na po ito sa RTC,” ayon kay Atty. Rex Laudiangco, Spokesperson, COMELEC.

Ayon kay Laudiangco, puwedeng sabay na gumulong ang petition for disqualification at ang election offense na inihain laban kay Sia.

Nauna namang sinabi ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na ang lahat ng naka-pending na petisyon para sa diskwalipikasyon ay reresolbahin ng komisyon bago ang halalan sa Mayo 12.

Kasunod naman ng mga petisyon at reklamo laban kay Sia, mensahe ng COMELEC sa iba pang kandidato:

“Sumunod sa election laws… hindi lamang po ‘yon sa panghalalan,” dagdag ni Laudiangco.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble