COMBAT uniform na gawa sa kawayan at iba pang local fabric sa Pilipinas ang sentro sa partnership sa pagitan ng Philippine Textile Research Institute (PTRI) at Philippine Army (PA).
Pag-aaralan niyan ng dalawang ahensya tungo sa pagpapaunlad ng Philippine Camouflage fabrics.
“Our ultimate goal is that, we will be able again hopefully to produce our own local materials for our uniformed personnel,” saad ni Dr. Julius Leaño, Jr., Director IV, DOST – Philippine Textile Research Institute.
Iyan ang target ng PTRI ng Department of Science and Technology (DOST) matapos silang lumagda ng isang kasundan sa Research and Development Center ng Philippine Army.
Bahagi ito ng Philippine COMBATex: Camouflage, Optical, Mechanical, Ballistic and Armored Textile Research and Development Program.
Nais ng dalawang ahensya na makapaglikha ng combat uniform na gawa sa mga lokal na tela mula sa kawayan, hibla ng saging, at Philippine cotton.
Sa kanilang pag-aaral, kabilang sa kanilang titiyakin ay ang pumasa sa world standard at performance wear test ang gagawing combat uniform.
Hindi lang ang gagamiting tela ang pag-aaralan, maging ang camouflage design na angkop sa Pilipinas ay bubusisiin din.
“We are actually also developing the very same camouflage design na appropriate sa pilipinas na setting, yung talagang nagbeblend siya sa paligid,” ani Leaño.
Government uniforms na gawa sa lokal na tela, tampok sa TELAcon
Nitong araw ng Martes, tampok sa National Textile Convention – TELAcon ang mga government uniform na gawa sa mga lokal na tela.
Kabilang na rito ang uniporme ng Civil Service Commission (CSC), Government Procurement Policy Board, National Economic Development Authority (NEDA), at sa DOST.
Ibinida rin sa convention ang sapatos na gawa sa lokal at sustainable textile materials.
May brand name na ‘Lakat,’ ang sapatos na ito ay gawa sa mga materyales mula sa pinaghalong leaf fibers ng pinya at cotton.
Kawayan, tutukan ng gobyerno bilang pangunahing source ng lokal na tela
Sa ngayon, pagtutuunan ng pansin ng PTRI ang kawayan bilang pangunahing source ng local fabric para sa paggawa ng mga uniporme ng higit 1.9 milyon na government employees.
Ayon sa ahensya na mataas ang textile fiber yield ng kawayan kung ikukumpara sa saging o abaka na nasa 2% lang.
Umaabot sa 50% ang fiber yield ng kawayan.
“Isang pole ng kawayan parang imagine-in mo kung ilang fiber agad ang magagawa nun. So, it’s a very robust starting material. It’s also very inclusive in the sense na ‘yung nga wide spread ‘yun. Iba’t ibang location, iba’t ibang endemic na kawayan,” saad ni Dr. Leaño.
Kaugnay nito ay inilunsad ang pinakabagong Bamboo Textile Fiber Innovation Hub sa Abra sa layong matulungan ang mga lokal na komunidad doon sa paggawa ng tela mula sa kawayan.