IBINASURA ng COMELEC 2nd Division ang petition na nagnanais kanselahin ang Certificate of Candidacy ni Presidential Aspirant dating Senator Bongbong Marcos.
Ito ay dahil walang nakikitang dahilan ang Commission on Elections 2nd Division para kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos para sa eleksyong 2022.
Una nang sinabi ng petitioners na mali ang inilagay ni Marcos sa kanyang COC nang sabihin niyang “eligible” siya sa pagtakbo sa pagkapangulo ng Pilipinas.
Ipinunto nila na disqualified si BBM rito bilang bahagi ng parusa ng kanyang 1995 conviction kaugnay ng isang tax case.
Pero sa inilabas na resolusyon, kumbinsido ang 2nd Division na “not false” o hindi kasinungalingan ang isinulat ni Marcos sa kanyang COC na eligible o karapat-dapat syang iboto para sa pagkapangulo ng Pilipinas.
“Consequently, the representations of Respondent Marcos Jr. in his certificate of candidacy that he is eligible to be elected to the office of the President of the Philippines and that he has not been found liable for an offense which carries with it the accessory penalty of perpetual disqualification from holding public office are not false,” ayon sa pahayag ng Comelec 2nd Division
Dahil dito, ayon sa 2nd Division, ay walang sapat na dahilan para kanselahn ang COC ni BBM bagay na ayaw paniwalaan ng mga petitioners.
“Thus, there is no legal justification to deny due course to or cancel the certificate of candidacy of Respondent Marcos Jr.,” dagdag ng ahensiya.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez, maaari lamang madiskwalipika ang isang kandidato kapag nahatulan ito ng kasong may kabahagihanan sa “moral turpitude” o isang krimen na may kahit hanggang 18 buwan na pagkakulong.
“There was no attempt to mislead the commission contrary to the allegation of the respondents. The division likewise noted that failure to file an income tax return is not a crime involving moral turpitude,” ayon kay Dir. James Jimenez, COMELEC Spokesperson
Ayon naman kay Atty. Theodore Te, abogado ng mga petitioners, i-aapela nila ang disisyon ng 2nd Division sa Comelec En banc.
“What gives? Why disagree that such were ‘false’ when the meaning of ‘material,’ whether noun or adjective, is plain and true for all to see unless the Second Division has another dictionary. Meaning of ‘material’ as noun: Matter, substance. Meaning of ‘material’ as adjective: Physical, significant,” saad ni Fides Lim, Petitioner
Iginiit ng petitioners na ang bigong pagsumite ng income tax returns para sa taong 1982 hanggang 1984 noong si Marcos ay vice governor and governor ng Ilocos Norte ay sapat na dahilan para hindi na maging karapatdapat na humawak ng anumang katungkulan sa pamahalaan si BBM.
Pero para kay Senador Ping Lacson, na isa ring presidential aspirant, naniniwala sya na dapat i-respeto ang disisyon ng 2nd Division. Aniya nasa mandato ng COMELEC na magdisisyon sa anumang kaso na nasa ilalim ng kanilang hurisdiksyon.
“It is best that we respect the ruling. The Commission on Elections (COMELEC) has the mandate to decide on any case that falls under its jurisdiction and the petition to disqualify ex-Senator Ferdinand Marcos Jr. is one such case,” ani Lacson.
Samantala, pinasalamatan naman ng kampo ni BBM ang COMELEC sa pagpapatupad ng batas at pagbibigay halaga sa karapatan ng bawat kandidato na tumakbo sa halalan.
“We thank the Commission on Elections for upholding the law and the right of every bona fide candidate like Bongbong Marcos to run for public office free from any form of harassment and discrimination,” pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, Spokesman, BBM.
Hinikayat nila ang COMELEC na ipagpatuloy ang kanilang mandato na itaguyod ang isang malinis, patas, at mapagkakatiwalaan na halalan.
Ang Kyle ang Buenafe petition ay isa lamang sa pitong petisyon na kumukwestyon sa kandidatura ni BBM, anak ng dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.