COMELEC Chief: Website at sistema ng poll body para sa overseas internet voting, sinusubukang i-hack

COMELEC Chief: Website at sistema ng poll body para sa overseas internet voting, sinusubukang i-hack

IBINUNYAG ng Commission on Elections (COMELEC) na ang kanilang website, maging ang sistema ng kanilang overseas internet voting ay patuloy na sinusubukang i-hack.

Sa overseas internet voting system, halos 60,000 attempts ang natanggap ng komisyon habang milyon na ang attempts na natanggap ng kanilang website.

Pero hindi naman ito nagtagumpay ayon kay COMELEC Chief Atty. George Garcia.

“’Yong ating website, millions ang attempt para i-hack siya. So far walang successful. Ganitong mageeleksyon, ang COMELEC po ang playing field ng lahat para sa mga hackers. So far walang nagagawa.

“At almost 60,000 attempts ang tinaggap ng ating office ng ating internet voting system upang i-hack siya as of kagabi pero hindi rin po naging successful,” wika ni Atty. George Garcia, Chairperson, COMELEC.

Naniniwala naman ang komisyon na maging ang Precinct Finder na ilalabas nila sa internet ay susubukan ding i-hack gaya ng mga attempt na natanggap nila noong nakaraang eleksiyon.

“Noong nakaraang eleksyon, 35 million attempts ang tinanggap ng atin pong precinct finder para lang siya mahack pero wala rin pong naging successful. Para po sa part ng mga kababayan na malaman yon, we are doing everything necessary in coordination with DICT at sa atin pa pong ibang providers para hindi po macompromise ‘yon atin pong mga system,” ani Garcia.

Magiging available ang Precinct Finder dalawang linggo bago ang midterm elections sa Mayo 12.

Tiniyak naman nito na patuloy silang magbabantay 24 oras laban sa anumang pag-atake o pagtatangka sa kanilang sistema para sa halalan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble