BUKOD sa Philippine National Police (PNP), sunod na pag-aaralang isailalim sa anti-illegal drug campaign ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang mga public servant.
Sa pagharap sa media ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr, araw ng Lunes, matapos manguna sa PNP Ethics Day sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang Cavite, inihayag ng kalihim na kinokonsidera nila ang pagsailalim sa lahat ng opisyal ng pamahalaan sa ebalwasyon kaugnay sa isyu ng iligal na droga.
Sa katunayan, maging ang kalihim ay handang isuko ang kanyang sarili para imbestigahan kung kinakailangan.
Pero giit ni Abalos, kailangan pa ito ng masusing pag-aaral, hindi pa kasi nasisimulan ang unang hamon nito sa mga kapulisan.
Sa harapan ng mga kadete ng PNPA sa Silang Cavite, muling iginiit ni Abalos ang malaking problema ng bansa sa iligal na droga.
Kasabay nito ay kanyang hinimok ang mga mag-aaral na huwag pumasok sa iligal na gawain at huwag gayahin ang kasalukuyang nangyayari sa loob ng PNP.
Dismayado aniya siya sa kanyang mga natuklasan sa loob ng PNP dahil sa lawak ng iregularidad dito partikular na sa iligal na droga.
Subalit aniya, pipilitin niyang gawan ito ng paraan para matapos ang isyung bumabalot sa organisasyon.
“Noong ako’y naging DILG, dito ko nakita ang lalim ng problema ng iligal na droga. Dito ko nakita kung paano ang iilang tao na nasa posisyon na talagang napakasensitibo na maapektuhan ang operasyon at maski na ang buhay ng mga taong nanunungkulan sa pulisya. At ako’y sinabi ko nga sa sarili ko, gagawin ko ang lahat para ma-correct ito,” ani Sec. Benhur Abalos, DILG.