ILALAHAD na ng Department of Agriculture (DA) ang magiging panibago nilang estratehiya para mapalakas ang sektor ng agrikultura lalung-lalo na ang produksiyon ng mga magsasaka.
Ayon kay DA Sec. Francisco Laurel Jr., posibleng sa susunod na 10 araw nila ilalabas ang kanilang plano.
Saklaw na rito ang napapanahong farm at market statistics, adoption ng makabagong teknolohiya at farm mechanization.
Ipinag-utos din aniya ang mabilis na pagbibigay-aksiyon laban sa tagtuyo’t na kung pagbabatayan ang ibinahagi ng Department of Science and Technology (DOST) ay makakaapekto sa napakaraming probinsiya sa bansa simula buwan ng Mayo ngayong taon.