Daan-daang libong piso, binabayad ni Jad Dera para magkaroon ng pribilehiyo sa NBI

Daan-daang libong piso, binabayad ni Jad Dera para magkaroon ng pribilehiyo sa NBI

TINITINGNAN na ng Department of Justice (DOJ) ang paglipat sa high-profile detainee at kapwa akusado ni dating Senator Leila de Lima na si John Adrian alyas Jad Dera sa ibang detention facility.

Ayon kay DOJ spokesperson Asec. Mico Clavano, hindi na maaaring manatili si Dera sa detention center ng National Bureau of Investigation-Manila dahil sa kanilang natuklasan na marami pa itong nakukuhang special treatment habang naka-detain bukod sa paglabas-pasok nito sa nasabing pasilidad.

Daan-daang libong piso umano aniya ang binabayad ni Dera sa mga nag-eescort nito palabas ng kulungan at para magkaroon ng special treatment.

“Marami po siyang privileges sa detention center ng NBI na hindi naman pupwedeng ganoon po ang trato sa isang detainee gaya po ng pagkain. Kagaya po ng sleeping conditions. Lahat po ito nalaman natin na nababayaran po,” pahayag ni Asec. Mico Clavano, Spokesperson, Department of Justice.

Cellphones ng detainee na si Jad Dera at mga NBI na nag-escort palabas sa kulungan, binubusisi na

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga cellphones na nakuha kay Dera at anim na security escort na lumabas sa pasilidad ng NBI.

Sabi ni Clavano, isinalang na sa forensic investigation ang mga cellphones ng naturang mga suspek.

Layunin aniya ng forensic examination upang matukoy ang mga personalidad na kinausap o tineks ng mga respondent.

Ayon kay Clavano kasama na rin sa ipatatawag at iimbestigahan ng NBI ang mga indibidwal na kinausap ng nasabing grupo.

Una nang sinabi ng anim na suspek na inutusan lamang sila ng kanilang hepe ngunit mariing itinanggi ng huli, at aniya ay hindi niya inuutusan ang mga nabanggit na guwardiya.

Hepe ng detention facility ng NBI-Manila, sinibak

Sa ngayon sinibak na rin ang hepe ng detention facility ng NBI-Manila habang gumugulong ang imbestigasyon.

Isa ang hepe ani Clavano sa itinuturing na persons of interest sa paglabas-pasok ni Dera at pagtanggap nito ng mga pribilehiyo.

“’Yung presence niya po doon sa opisina ay magiging risk sa ating investigation. Pwede po siya maging hindrance or obstruction doon sa ating investigation kaya inalis kaagad na ho natin si head ‘nung detention,” dagdag ni Clavano.

Si Dera ay nahaharap sa kasong bribery of public officials habang ang anim na guwardiya ay paglabag sa anti-graft and corrupt practices act.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter