Digitalisasyon sa BOC vs smuggling, suportado ni Sen. Bong Go

Digitalisasyon sa BOC vs smuggling, suportado ni Sen. Bong Go

PINABORAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magiging mahalagang parte ang digitalisasyon sa Bureau of Customs (BOC) para masawata ang problema ng smuggling sa bansa.

Dapat din aniyang tutukan ng BOC ang anti-smuggling law.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Go matapos ang sunud-sunod na nakukumpiskang smuggled agricultural products sa iba’t ibang ports sa bansa.

Ayon kay Sen. Go, dapat nang masampolan ang mga smuggler na hindi takot na nagpupuslit sa bansa ng mga produktong pang-agrikultura.

Kamakailan lang nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na dapat nang magkaroon ng digitalisasyon sa BOC.

Ayon kay Pangulong Marcos, may mga estratehiya laban sa smuggling na ipinatupad ng ibang bansa na maaaring gamitin ng Pilipinas.

Binanggit din ng Punong Ehekutibo na ang digitalization ng BOC ay magiging isang mahalagang bahagi nito.

Para sa senador, mahalagang gamitin na ang makabagong teknolohiya para mas magampanan ng pamahalaan ang kanilang mandato.

Matagal na rin aniya nitong itinutulak ang panukala para sa e-governance nang mas mapabuti ang trabaho at serbisyo ng gobyerno.

Pagpapatupad ng Anti-Smuggling Law, dapat tutukan ng BOC Sen. Go

Kasunod nito, nanawagan naman ang senador sa BOC na paigtingin ang pagpapatupad ng Anti-Smuggling Law at tutukan ang mga big time illegal smuggler na nananamantala at nagkokontrol ng presyo ng mga produkto sa bansa.

Ang komento ng senador ay kasunod ng pagkakaaresto sa 10 flight crew ng Philippine Airlines (PAL) na nahulihan ng hindi deklaradong prutas at gulay, kabilang ang sibuyas, mula abroad.

Ayon sa senador, naniniwala itong pang-personal na konsumo lamang ang mga ipinuslit na sibuyas at prutas, malayo sa bulto-bultong ipinupuslit araw-araw ng mga smuggler.

Follow SMNI NEWS in Twitter