DILG at PNP, sisilipin ang mga aktibidad ng POGO

DILG at PNP, sisilipin ang mga aktibidad ng POGO

SISILIPIN ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang mga aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa bansa.

Ito ay matapos masagip ng PNP Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Angeles City, Pampanga ang isang Chinese at 42 pang POGO workers na diumano’y kinukulong at ibinebenta ng kanilang kumpanya.

Naaresto sa operasyon ang isang Chinese na kinilalang si Chen Yi Bien, 33 taong gulang at Human Resource Manager ng POGO establishment.

Ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. aalamin nila kung ang naturang POGO ay sangkot sa human trafficking at kung mapatunayan ay agad itong ipasasara.

Makikipagpulong din si Abalos sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), Chinese Embassy at iba pang ahensya para tutukan ang mga isyu at problema tungkol sa operasyon ng mga POGO.

Sinabi naman ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na tinitignan nila ang mga record at business permit ng mga POGO at nakikipag-ugnayan sa Immigration upang magkaroon ng tala ng mga dayuhang pumupunta sa bansa upang magtrabaho sa mga POGO.

Follow SMNI NEWS in Twitter