INABISUHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko na kanselahin muna ang mga travel plans para sa Holy Week upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ipagpaliban na muna ng publiko ang kanilang Holy Week travel plan hanggang sa makontrol na muli ang bilang ng impeksyon.
Sinabi ni Malaya na ang pananatili sa mga tahanan ang isa sa dalawang hakbang upang makatulong ang publiko na mapigilan ang pagdagsa ng mga pasyente sa mga ospital.
Sa ngayon ay nakararanas ang bansa ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 na may bagong kaso na umaabot ng halos 8,000 kada araw.
Samantala, maaaring mag-rebook na walang bayad ang mga turista mula sa Metro Manila at sa apat na probinsiya sa loob ng bubble nito para sa kanilang planong pagbakasyon sa Holy Week.
(BASAHIN: Mga turista mula Metro Manila, puwedeng mag-rebook na walang bayadhttps://smninewschannel.com/mga-turista-mula-metro-manila-puwedeng-mag-rebook-na-walang-bayad/)
Ito’y matapos na humiling ang mga doktor sa Inter-Agency Task Force against COVID-19 na limitahan ang galaw sa loob ng epicenter ng virus at sa mga kalapit na probinsiya nito sa loob ng dalawang linggo dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Pinahintulutan naman ang staycation sa loob ng National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal na may age restritions.
Lahat ng edad 15 pababa at 65 pataas ay pinagbabawal sa staycations ayon kay Tourism Secretary Bernadette-Romulo Puyat.
Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NCR, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa ilalim ng general community quarantine na may karagdagang restriksyon para sa pagpigil sa paglaganap ng virus.