INATASAN na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na tulungan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na apektado ng eroplanong lumagpas sa runway sa Mactan Cebu International Airport (MICP) nitong Linggo.
Ayon kay DMW chief Susan Ople, batay sa OWWA, mayroong dalawang seafarers na sakay ng Korean Airlines na nag-overshoot sa runway ng paliparan.
Pawang nasa maayos naman aniya ang kalagayan ng dalawang OFW.
Dagdag pa ni Ople, inatasan ang lahat ng DMW posts sa ibang bansa na imonitor at tulungan ang mga OFW na may inbound flights patungong Cebu dahil sa pagkansela ng flights.
Una nang iniulat na ligtas na nailikas ang 162 pasahero at 11 crew ng apektadong eroplano sa MCIA Terminal 2.