DOH, hinimok na mamigay ng N95 face masks dahil sa smog

DOH, hinimok na mamigay ng N95 face masks dahil sa smog

NANAWAGAN si Speaker Martin Romualdez sa Department of Health (DOH) at mga lokal na pamahalaan na tulungan ang kanilang mga residente na apektado ng volcanic smog (vog) mula sa Bulkang Taal.

Aniya, makabubuti kung mamimigay ang DOH at local government unit (LGU) ng mga N95 mask at iba pang protective gear sa mga apektadong residente.

Ayon kay Speaker Romualdez, sinabi sa kaniya ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ang DOH ay mayroon pang suplay ng N95 face masks na binili para sa COVID-19 pandemic.

Habang wala pang magagamit na face masks, sinabi ni Speaker Romualdez na gumamit umano ng pantakip sa mukha upang hindi masinghot ang vog.

Sinabi rin ng lider ng Kamara na mayroong 311 miyembro na dapat maghanda ang DOH at LGU para sa posibleng sakit na dala ng paglanghap ng vog sa mga residente ng mga apektadong lugar.

Ayon sa mga lumabas na ulat kahapon, Huwebes, umabot na ang vog sa Cavite, Laguna, Batangas, at Metro Manila kaya mayroong mga LGU na nagkansela ng klase.

Pero nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at Air Monitoring Office ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang smog na naobserbahan sa Metro Manila ay mula sa tambutso ng mga sasakyan at hindi galing sa Taal.

Ayon sa PHIVOLCS ang ibinubuga ng Taal ay hinahangin pa-kanluran at hindi patungo sa direksiyon ng Metro Manila.

Follow SMNI NEWS on Twitter