(UPDATED) NADISKUBRE ng Department of Health (DOH) ang anim na kaso ng South African COVID-19 variant sa bansa.
Ayon sa pahayag ng DOH, natagpuan ang South African COVID-19 variant sa walong batch ng 350 samples na sumailalim sa genome sequencing ng Philippine Genome Center (PGC).
Sinabi ng DOH na dalawa sa anim na kaso ay returning overseas Filipinos at apat na lokal na kaso mula sa Pasay City.
Dagdag ng DOH, dalawa sa lokal na kaso ay isang 61 anyos na babae at isang 39 anyos na lalaki na kasalukuyang isinailalim sa quarantine facility sa Pasay City.
Samantala, nakarekober na ang isang 40-taong gulang na lalaki na isa rin sa mga lokal na kaso.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Vergeire, kinakailangan pa ng karagdagang pag-aaral ang implikasyon ng South African variant sa COVID-19 vaccines.
“Itong sa Sinovac, wala pa naman silang pinapalabas na pag-aaral kung sakaling may variant. Kaya naman nagkaroon ng mga datos ang mga manufacturers, halimbawa itong Johnson & Johnson’s, kasi sa ginagawan nila ng trial ay mayroong outbreak ng ganitong variant,”ayon kay Vergeire.
Sinabi ng mga eksperto na ang South African variant na tinawag na B1351 ay mas nakahahawa kaysa sa orihinal na bersyon ng virus at maaaring magkaroon ng epekto sa vaccine efficacy.
Nananatiling wala pang katiyakan kung malalabanan ng Sinovac vaccine ang South African variant na may mababang efficacy rate.