Mahigit 400 health workers sa bansa na ang nabakunahan ng Sinovac vaccine sa unang araw ng vaccine rollout sa bansa kahapon.
Sa isang interview, sinabi ni Department of Health (DOH) Spokesperson USec. Maria Rosario Vergeire na 404 health workers mula sa iba’t- ibang ospital ng Metro Manila ang nabakunahan kahapon base sa kanilang datos.
Saad nito, “Based on the current number that we have, about 404 individuals were vaccinated in different hospitals.”
Ngunit maaari pang tumaas ang naturang bilang dahil aniya, hindi pa nakapagpasa ng reports ang ibang ospital.
“Pero hindi pa po pumapasok yung ibang reports galing sa ibang hospital.”
Dagdag pa ng health secretary, may iilang ospital na lumampas sa inaasahang bilang ng mga healthworkers ang naturukan. Target naman ng DOH na matatapos nila ang initial phase ng pagroll out ng bakuna sa loob ng dalawang linggo.
“We are looking at two weeks for us to be able to finish this initial rollout then titingnan po natin pagkatapos ng dalawang linggo,” ani Vergeire.
Ang mga sobrang bakuna naman aniya ay ipapasok sa quick substitution list. Uunahin muna sa ngayon ani Vergerie ang mga frontliners mula sa mga medical at health services na expose sa virus araw-araw.
Titingnan na rin ng kagawaran ang pagpapadala ng CoronaVac sa mga ospital sa ibang rehiyon ng bansa.
Sinabi din ni Health Secretary Francisco Duque na may 13 indibidwal na nakaramdam ng minor adverse events matapos ang immunization kahapon.
Nakaramdam ang mga ito ng pagtaas ng blood pressure, pananakit sa parte ng pinagturukan, pangangati, rashes at pagduduwal o nausea.
Paglilinaw naman ni Vergerie, walang na-admit sa mga naturang vaccinees at nakauwi na ito lahat.
Aniya common o karaniwan itong mararamdaman ng bawat mababakunahan at hindi ito dapat katakutan.
Samantala, sa buwan ng Marso ay target ng pamahalaan na mabakunahan ang 1.7 milllion health workers sa bansa.