NANAWAGAN ang Department of Health (DOH) sa mga magulang at guardian na bakunahan na ang kanilang mga anak laban sa measles, rubella at polio.
Sa inilabas na pahayag ng DOH, iniulat nito na hanggang Pebrero 21 ay nasa 73 percent o mahigit 3.72 milyon pa lamang sa nationwide target ang nabakunahan sa measles at rubella habang 72.9 percent o 3.48 milyon naman laban sa polio.
Ito ay bahagi ng second phase ng Measles-Rubella And Oral Polio Vaccination Supplemental Immunization Activity (MR-OPV SIA).
Ang nasabing immunization program ay inilunsad noong Pebrero 1, sakop ang mga rehiyon sa Luzon at Visayas at nakatakdang magtapos sa Pebrero 28.
Ayon sa DOH, nasa 1.3 milyong bata pa ang natitirang target na dapat mabakunahan kontra measles at rubella at 1.2 million naman para oral polio vaccine.
Sa natitirang apat na araw sa immunization program, ang DOH kasama ang mga development partner at concerned local government units ay determinadong doblehin ang pagsisikap upang makamit ang 95% target coverage para makamit ang herd immunity mula sa mga vaccine-preventable diseases gaya ng measles, rubella at polio.