MALAKI ang paniniwala ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na hindi na makapagpalipat-lipat sa iba’t ibang mga bansa si Negros Oriental 3rd District suspended Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Ipinaliwanag ng kalihim na hindi na magiging madali para kay Teves ang lumabas ng Timor-Leste lalo na kapag naideklara na siya bilang terorista.
Bukod dito, nakaamba na aniyang kanselahin ng pamahalaan ang pasaporte ni Teves, pero aminado si Remulla na mayroon pang ibang pasaporte na ginagamit si Teves, ngunit hindi tinukoy ng kalihim kung anong bansa ang nag-isyu ng pasaporte.
Iginiit pa ni Remulla na mawawalan na ng saysay kahit na magtungo si Teves sa mga bansang walang extradition treaty ang Pilipinas kapag naideklarang terorista ang kongresista.