DOLE, magsasagawa ng job fair para sa POGO workers sa December 6

DOLE, magsasagawa ng job fair para sa POGO workers sa December 6

PATULOY na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mga programa para sa mga apektadong manggagawa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) o Internet Gaming Licensees (IGLs).

Kasama sa mga programang ito ang job fair activities kung saan pang-apat na ito at pumalo na sa 202 ang mga hired on the spot. Ayon ito kay Director Patrick Patriwirawan, Jr. mula sa Bureau of Local Employment ng DOLE.

Sa ngayon patuloy aniya na sinisiguro  ng DOLE na ang IGL companies ay makikilahok at papayagan ang kanilang mga empleyado na makiisa sa mga isinasagawang job fair activities.

Iniulat naman ng ahensiya na magkakaroon ng job fair sa darating na Disyembre 6 para sa mga POGO worker sa CALABARZON Region.

Bukod dito, nagbibigay rin ang DOLE ng unemployment insurance benefits ng mga apektadong manggagawa.

“At sa kasalukuyang datos po ay umabot na po tayo sa 435 po na mga applications para po maproseso ang kanilang unemployment benefits,” ayon kay Dir. Patrick Patriwirawan, Jr., Bureau of Local Employment, DOLE.

Dagdag ni Patriwirawan, mayroon ding mga employment facilitation kung saan tinitiyak ng ahensiya na ang mga apektadong POGO workers ay maibibigay sa mga Public Employment Service Office upang magkaroon ng job matching at career development support services.

Matatandaang ipinag-utos ang pag-ban sa lahat ng operasyon ng POGO sa bansa dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa scamming, money laundering, human trafficking, kidnapping, torture, at iba pa.

Samantala, hinikayat ng DOLE ang lahat na maaaring bisitahin ang kanilang online job portal, ang philjobnet.gov.ph, upang makita ang mga available na bakanteng trabaho online.

“Para po sa lahat ng ating mga kababayan, mga job seekers po, inaanyayahan po namin kayo na lumapit, dumulog po sa ating mga Public Employment Service Offices upang magbigay-alam at upang makaalam po ng mga current available opportunities po natin, iyong mga vacancies po natin sa kani-kanilang mga cities, municipalities and provinces,” dagdag ni Patriwirawan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble