DOT chief, muling tiniyak na ligtas ang lugar na pasyalan sa Mindanao

DOT chief, muling tiniyak na ligtas ang lugar na pasyalan sa Mindanao

MULING tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na ligtas ang mga lugar na pasyalan sa Mindanao.

Sakop ang apat na probinsiya at apat na lungsod, ang SOCCSKSARGEN ay may sari-saring kasaysayan, tradisyon at kultura na isa sa magandang maiaalok ng Mindanao sa mundo.

Ang nasabing rehiyon ay itinuring ding nangungunang producer ng kape sa Pilipinas dahil sa malawak na mga plantasyon nito sa lalawigan ng Sultan Kudarat, bukod pa sa nagagandahang tourist destinations nito.

At ngayon, isa nga ang SOCCSKSARGEN sa tinungo ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia-Frasco para sa programang ‘The Philippine Experience’, na siyang ika-siyam na edisyon ng programa ng DOT.

“So, dinadala po natin iyong ating mga national and regional tourism stakeholders to operate their travel agencies pati na rin po iyong ating mga content creators, as well as dignitaries from various countries all over the world to this region so that they can get to know the local tradition, culture, heritage, pati na rin po iyong ating natural landscapes,” pahayag ni Sec. Christina Frasco, DOT.

Matatandaang inilunsad ng DOT noong nakaraang taon ang nasabing programa para i-promote ang cultural at heritage tourism ng bansa.

Kasama ang Philippine Experience Program Delegates, binisita ni Frasco ang major tourist destinations sa General Santos City at Sarangani Province.

Kasama sa kanilang tinungo ang GenSan Tuna Fishport, Pacquiao Private Beach House sa Sarangani, maging ang white sand beaches sa Glan, Sarangani.

At para sa ‘unique experience’ at pagpapahalaga sa masiglang kultura ng mga Blaan at Tagakaolo, ang delegasyon ng DOT ay nagtungo sa Malungon Retreat and Training Center (MRTC) sa Malungon, Sarangani, isang lugar na nakatuon sa pangangalaga ng kultura at pamana ng lokal na katutubong komunidad.

Mula noong nakaraang taon, nagawa ng DOT ang matagumpay nitong paglunsad ng programa sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA, Ilocos sa Luzon; mga rehiyon ng Bicol at Western Visayas sa Visayas; at Davao region, Northern Mindanao, at Zamboanga Peninsula sa Mindanao.

Layon din ng programa na mapalawak ang livelihood at employment opportunities ng mga mamamayang Pilipino.

Samantala, muling binigyang-diin ni Secretary Frasco na ligtas ang lugar na pasyalan sa Mindanao sa kabila ng hindi maiaalis na pangamba dulot ng mga balita na may mga gulo paminsan-minsan sa Mindanao.

“The efforts of the national government, in conjunction with the local government, as well as our uniformed men and women of the AFP and our local Philippine National Police, are quite comprehensive and devoted to ensuring the safety and security of our residents and our tourists in Mindanao,” dagdag ni Frasco.

Nagpapatuloy rin aniya ang pagsasanay sa mga tourist police kung saan nakapag-train na sila ng mahigit 7,000 katuwang ang DILG.

Naglunsad din ang ahensiya ng Tourist Assistance Call Center para mabigyan ng assistance ang mga turista saan man sila sa Pilipinas.

Nakikipagtulungan din ang DOT sa iba’t ibang embahada sa mundo upang ma-improve ang kanilang travel advisories lalo na sa Mindanao.

“So Mindanao is ripe for international and domestic tourism, and the people here are ready to welcome every guest that comes with the love that is so distinct to us Filipinos,” ayon pa kay Frasco.

Follow SMNI NEWS on Twitter