ARESTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang 37 Chinese nationals sa Parañaque City dahil sa pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad.
Sa ulat kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga Chinese national ay naaresto sa loob ng Multinational Village sa Parañaque.
Ilan sa mga arestado ay 7 babae at 30 kalalakihan na sangkot umano sa ilegal na pagbebenta ng pagkain, groceries at ilegal na operasyon sa mga restaurant sa lugar.
Ayon kay Tansingco, hindi nito palalampasin ang mga ganitong uri ng aktibidad na kanilang nadiskubre sa pamamagitan ng intelligence reports patungkol sa mga dayuhan na ilegal na nagtra-trabaho sa loob ng naturang subdivision.
“The Bureau of Immigration will not tolerate illegal work practices and will continue to take necessary actions against those who violate our laws,” pahayag ni Norman Tansingco, Commissioner, Bureau of Immigration.
Ang mga ito ay ikukulong sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig habang nakapending ang resolusyon para sa mga deportation case na ihahain laban sa kanila.
Ayon sa tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval, ang mga Chinese national ay walang legal documents dito sa Pilipinas at kung gusto nilang magtrabaho rito ay dapat silang mag-apply o kumuha ng 9G o pre-arranged employment visa.
“They are improper documented. If they intented to work in the Philippines, they should have applied for a 9G or pre-arranged employment visa,” ayon kay Dana Sandoval, Spokesperson, Bureau of Immigration.
Hinala pa ng BI, matagal nang ilegal na nag-o-operate sa lugar ang 37 Chinese nationals.