DSWD, pinagtibay ang koordinasyon sa ilang ahensiya kontra child pornography

MAS pinag-igting ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pakikipag-ugnayan nito sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang tugunan ang lumalalang kaso ng child pornography sa bansa.

Kamakailan lang ay iniulat ni Cab. Secretary Karlo Nograles na higit pa sa doble ang paglobo ng kaso ng online child exploitation ngayong panahon ng pandemya.

Mula sa bilang na 19,000 noong 2019, halos umabot na ng 48,000 ang kaso nito ngayon sa bansa.

Ayon kay DSWD Usec. Rene Glen Paje, pinapatibay nila ang kanilang ugnayan sa iba’t ibang ahensiya sa pamamagitan ng  Interagency Council Against Pornography (IACAP) upang higit na mas mapalakas ang kampanya kontra sa kasong child pornography.

“Ganoon din po ang ugnayan natin sa DILG lalo na po doon sa mga Local Council for Protection of Children para patuloy po ang pagbibigay ng impormasyon ukol sa child pornography at para sa prevention, early detection at mga posibleng aksiyon laban sa mga perpetrators ng gawaing ito,” pahayag ni Paje.

Gayundin ang pakikipag-ugnayan nila sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matugis ang mga nasa likod ng krimen.

“Ang DSWD ay nakikipag-ugnayan din po sa NBI o iyong National Bureau of Investigation para mahanap, para ma-track natin at mahuli iyong mga perpetrators,” aniya pa.

Nanawagan naman si Usec. Paje sa publiko lalo na sa mga magulang na patuloy subaybayan at gabayan ang mga kabataan lalo na ngayon na mas maraming oras ang kanilang iginugugol sa internet.

huwag rin aniya magdalawang isip na lumapit sa mga local officials o tumawag sa mga hotline ng ahensiya na nariyan at handang tumugon.

PNP-WCPC HOTLINE:

Luzon – 0945-863-2235

Visayas – 0932-410-8483

Mindanao – 0928-064-6425 / 0917-180-6037

POLICE HOTLINE

0919-777-737

Nitong nakaraang linggo lang ay ipinagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na parusahan ang mga internet providers na hinahayaang magagamit ang kanilang platforms para sa online child exploitation.

SMNI NEWS