KINILALA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ‘teamwork’ na ipinapakita ng mga opisyal ng pamahalaan na nasa frontline sa pakikipaglaban ng bansa kontra COVID-19 pandemic.
Sa kanyang Talk to The People Address nitong Lunes ng gabi, muling nirekognisa ni Pangulong Duterte si Health Secretary Francisco Duque III sa aniya’y magandang trabaho nito sa pangunguna sa laban kontra pandemya.
“Secretary Duque. Now, I’d like to just say something, kaunting ano lang, that you have done good sa trabaho mo and the Filipino will never forget that. It is a sacrifice really for you to continue doing it and I had to ask you several times to stay — to stay on the job because we need you,” pahayag ni Pangulong Duterte.
“Thank you, sir,” ang tugon naman ni Duque sa sinabi ng Pangulo.
Kung matatandaan, matinding batikos ang tinanggap ni Secretary Duque bunsod ng mga alegasyon na mismanagement ng pandemic funds at may panawagan pang magbitiw na ito sa pwesto.
Samantala, pinuri rin ng Punong Ehekutibo ang walang pagod na pagtatrabaho ni Secretary Carlito Galvez Jr. bilang National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar ng bansa kasama sina Interior Secretary Eduardo Eduardo Año bilang NTF vice chair, at National Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa naging paggabay nito sa task force.
“And if there’s anybody I’d like to thank publicly — it’s never too late to say thank you to Secretary Duque, who spearheaded the fight against COVID; the tireless toil of Secretary Galvez and Secretary Año, salamat sa lahat; and of course, with the guidance of the DND, si Secretary Lorenzana. Sila ‘yung nag-teamwork to defeat this ano,”ayon pa kay Duterte.
Pinasalamatan din ni Pangulong Duterte si NTF Deputy Chief implementer at testing czar Vince Dizon, sabay hinikayat na lumahok sa political party pagkatapos ng Duterte administration.
“Marami pa pati si Vince Dizon, sila ‘yan. So someday, magpasalamat ang Pilipino sa iyo, Vince Dizon. And saan ka man pupunta after this administration, join a political party, ‘yan ang forte mo eh, it’s organizing,”dagdag ng Pangulo.
Samantala, iniulat ni Secretary Duque na nitong Lunes, nakapagtala ang DOH ng 2,730 new COVID-19 cases.
Bumagsak din ang bilang ng active cases 76,609 matapos makapagtala ang DOH ng 7,456 new recoveries.
“But suffice it to say na tuloy-tuloy ang pagbaba ng ating mga kaso. So, kung gagamitin po natin ang mga metrics natin, malinaw po na malaki po ang ibinaba ng ating mga kaso batay po sa two-week growth rate at saka sa average daily attack rate and the health systems capacity utilization rate. Dito makikita natin nakapagtala lamang tayo ng 2,730 cases ngayong araw, “ saad ni Duque.
Sa report naman ni Dizon, mahigit 61 million na mga Pilipino na ang fully vaccinated laban sa COVID-19.
Inaasahan naman aabot sa 90 million ang fully vax bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo ngayong taon.
“Ninety million po, iyon ang ating target to vaccinate by the end of your term— by the end of June 2022. Right now po, nasa 61.5 million na tayo, roughly about 70 percent of that target. So, ang napapansin lang po namin, as we approach that target, as we come closer to our target, it becomes more and more difficult to vaccinate and find those who are unvaccinated,”sinabi ni Dizon.
Kaugnay dito, paulit-ulit na nakikiusap si Pangulong Duterte sa mga Pilipino lalo na sa mga hanggang ngayon ay hindi pa nababakunahan, na huwag nilang pahirapan ang sarili nila at balang araw, ang kanilang mga anak, at kanilang komunidad kapag ka tinamaan ng COVID-19.