E-vehicles, bawal na sa national roads ng Metro Manila

E-vehicles, bawal na sa national roads ng Metro Manila

BAWAL na sa national roads ng Metro Manila ang e-vehicles.

Viral ang mga video ng ilang e-vehicle na sangkot sa mga aksidente sa kalsada kamakailan.

Sapul din sa video ang iilan na dumadaan sa national road kahit bawal at ang pagmamaneho ng isang menor de edad ng e-trike sa pangunahing kalsada.

Sa tala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong 2023, higit 500 e-vehicle ang sangkot sa mga aksidente sa kalsada.

Ikinaalarma ito ng MMDA at maging ng mga alkalde ng Kalakhang Maynila.

Dahil dito, napagkasunduan ng Metro Manila Council na pagbawalan nang dumaan ang mga e-vehicle sa mga national road na nasa hurisdiksiyon ng MMDA.

Sa binuong resolusyon ng MMC, kabilang sa mga kalsadang ito ang Recto Avenue, Pres. Aquino Avenue, Araneta Avenue, EDSA, Katipunan o C.P. Garcia, Southeast Metro Manila Expressway, at iba pa.

‘‘Ultimately, the objective is to regulate and impose fines to ensure the safety of everyone lalong-lalo na dumadami nga po ang mga e-trikes and e-bikes sa ating mga kalye,’’ ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Tutukuyin naman ng mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang iba pang mga kalsadang nasa kanilang hurisdiksiyon na bawal ang e-vehicle.

E-vehicles na dadaan sa national roads ng Metro Manila, papatawan ng multa

Sa ilalim din ng resolusyon, nais ng MMDA at MMC na lagyan ng ngipin ang naunang kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa mga e-vehicle.

‘‘‘Yun kasing DILG MMC Memorandum circular walang penal provision. Nagpo-prohibit siya pero walang kaukulang penalty. So, kumbaga medyo kailangan lagyan ng ngipin itong prohibition na ito,’’ ayon naman kay Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Batay sa MMC resolution, ang mga mahuhuling dumaan sa mga national road ay papatawan ng P2,500 na multa.

Sakaling walang lisensiya ang nagmamaneho ng e-vehicle, ii-impound ang kanilang sasakyan.

Kung anti-poor ba ang nasabing resolusyon, ito ang naging tugon ng MMDA.

‘‘It’s about time na stop po nating gamitin ang anti poor argument all the time na may regulation dahil po ang primary concern natin ay safety ng lahat. Hindi lang po ‘yung mga gumagamit ng e-bike pati na rin po ‘yung ibang sasakyan, ‘yung mga naka-kotse, mga naka-motor. So, para ito sa safety ng lahat, hindi po ito laban ng mahirap sa mayaman,’’ dagdag pa ni Artes.

Kaugnay rito, inilalatag na ng Land Transportation Office (LTO) ang mga panuntunan ng pagpaparehistro ng mga e-vehicle.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble