INILATAG ng isang ekonomista ang inaasahang benepisyo para sa Pilipinas ng paglahok ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa World Economic Forum (WEF).
Isang pagkakataon na hindi dapat pinapalagpas ang pagdalo sa WEF sa Davos, Switzerland.
Ito ang binigyang-diin ni RCBC chief economist, Michael Ricafort kung saan napakahalagang venue aniya ang WEF pagdating sa ugnayan at relasyon ng mga makapangyarihang bansa at malalaking negosyo.
Nagtitipon din sa WEF ang iba’t ibang eksperto sa iba’t ibang larangan para sa layunin na solusyunan ang mga problema ng mundo.
Partikular ang suliranin na may kinalaman sa ekonomiya at teknolohiya.
“Well, mga business opportunities ito. Actually, hindi lang siya sa larangan ng ekonomiya, pati rin sa teknolohiya. Kasi ito po ay gathering ng mga pinakamakapangyarihan at pinakamayayaman, at mga pinakamalalaking bansa ng mga negosyo at industriya, pati rin po iyong mga eksperto when it comes to the latest technology, pati rin po iyong mga multilateral agencies nandidiyan din po iyon,” wika ni Michael Ricafort, RCBC chief economist.
Nabanggit din ni Ricafort na sa gitna ng pagdalo rin ng multinational companies sa economic forum, maaaring maglaan sila ng bagong investments sa Pilipinas.
Nariyan din aniya ang multilateral agencies, ang sources Official Development Assistance (ODA) ng bansa lalo na pagdating sa imprastraktura.
Naroon din ang posibleng technical assistance lalo na sa mga technology transfer, ang expertise na puwedeng makipagkooperasyon at makipag-ugnayan sa Pilipinas.
Kasama rin sa magandang bagay na makukuha sa pagdalo sa WEF ay ang productivity improvements lalo na ang mga critical issues na tinatalakay sa buong mundo, ang inflation, food security at ang pagtaas ng productivity.
Binigyang-diin ng ekonomista na ang trabaho talaga ng pamahalaan ay manghikayat pa ng maraming investment para maglikha ng maraming trabaho, na siyang bottom line ng lahat ng nabanggit.