El Niño phenomenon sa bansa, opisyal nang nagtapos—PAGASA

El Niño phenomenon sa bansa, opisyal nang nagtapos—PAGASA

GANAP nang humina ang epekto ng El Niño sa mga nakalipas na linggo.

Una nang natukoy ang “weak El Niño” noong buwan ng Mayo at nagpatuloy pa ang pagbaba ng impact nito hanggang ngayong buwan ng Hunyo.

Dahil dito, inilabas na ng DOST-PAGASA nitong Hunyo 7 ang final advisory ng El Niño at idineklara na ganap nang natapos ang pag-iral ng El Niño phenomenon sa bansa.

“Pinagbabasehan po ng DOST-PAGASA ay iyon pong tinatawag nating mga indicators or iyong monitoring diyan po, doon sa Dagat Pasipiko iyong pag-init at paglamig ng temperatura ng dagat. So, sa ngayon po ay ENSO (El Niño-Southern Oscillation) neutral condition na po. Ibig sabihin po hindi na po ganoon kainit iyong temperatura ng dagat kaysa karaniwan. So, back to average or normal na po,” pahayag ni Ana Liza Solis, Climate Monitoring and Prediction Section Chief, DOST-PAGASA.

Gayunman, sinabi ni Ana Liza Solis, Climate Monitoring and Prediction Section Chief ng DOST-PAGASA na may mga lugar pa rin sa bansa na nakararanas ng mainit na temperatura o mataas na heat index.

“Pero kung ikukumpara po natin doon sa mga nakaraang mga araw or weeks po, mas kumakaunti iyong mga lugar na mataas ang heat index. So, still naglalaro pa rin po sa mga around 41, 42, 43 iyong may mga lugar po na matataas ang alinsangan,” dagdag ni Solis.

Kasabay nito’y pinaghahandaan na rin ng pamahalaan ang napipintong pagtama ng La Niña.

Base sa abiso ng weather bureau, nasa 69% ang tsansang ideklara ang La Niña pagsapit ng July-August-September.

Magugunitang kamakalawa lang nang ideklara rin ng PAGASA ang opisyal na pagsisimula ng tag-ulan sa bansa.

Posibleng epekto ng La Niña sa sektor ng agrikultura, pinaghahandaan na ng Department of Agriculture

Samantala, nagbahagi ng kanilang huling datos ang Department of Agriculture (DA) hinggil sa epekto ng El Niño, kung saan umabot sa P9.6-B ang halaga ng pinsala na iniwan nito sa sektor ng agrikultura at karamihan nito ay sa palayan.

At ngayong tuluyan nang nagtapos ang pag-iral ng El Niño at nagsimula na rin ang rainy season, ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, ang mga dati na talagang walang patubig ay positibo ngayon ang kanilang nakikita para sa mga pananim.

“Naulanan na at sigurado na tayo nakakapagtanim na rin iyon iba dahil tamang-tama, ito iyong panahon ng land preparation hanggang June-July para iyong ating harvest ay maisagawa mula August, September hanggang October nitong taon na ito para sa wet season planting naman,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Gayunpaman, ani De Mesa, pinaghahandaan na rin ng DA ang maaaring maging epekto ng La Niña, dahil dala nito ay problema rin sa tubig, ngunit kabaligtaran nga lang, mas maraming tubig.

Kaya nga aniya kailangan pa ring ayusin ang mga water management intervention kasama ang mga main at lateral canals ng mga irigasyon.

“Dual purpose iyan, iyan ay daluyan ng tubig papunta sa mga bukirin para ma-irrigate iyong lupa natin at kapag sobra na iyong tubig, iyan din ay daluyan palabas o iyong drainage system. So, kailangang masigurado na maayos itong mga sistema na ito para kapag dumating iyong La Niña ay masigurado natin na iyong mga excess water ay mailalabas,” ani De Mesa.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng water impounding projects para masalo ang sobrang ulan at magamit sa panahong kakailanganin ito.

Sabi pa ng DOST-PAGASA na sa ngayon, nasa La Niña watch pa rin tayo at wala pa doon sa pormal na La Niña.

“Pero ito po iyong inaasahan natin na early preparation natin, hindi lamang po ng buong gobyerno kung hindi ng lahat po ng ating kababayan dahil kailangan po sama-sama, tulung-tulong po tayo dito, at least ma-lessen natin iyong impact kung sakaling darating ang La Niña, as well ito pong panahon na ating tag-ulan. So ingat lang po tayo palagi,” dagdag ni Solis.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter