El Niño phenomenon, sentro ng usapin sa pinakahuling cabinet meeting sa Malacañang

El Niño phenomenon, sentro ng usapin sa pinakahuling cabinet meeting sa Malacañang

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang ika-15 na cabinet meeting sa State Dining Room sa Palasyo ng Malacañang nitong Disyembre 19, 2023.

Una sa agenda, iniulat ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. ang kasalukuyang kalagayan ng El Niño phenomenon sa bansa, na inaasahang malakas na mararamdaman ngayong buwan hanggang Enero sa susunod na taon.

Iprinisenta naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang Reactivation and Reconstitution ng El Niño Task Force.

Binanggit ni Teodoro ang iba’t ibang ahensiya na gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapagaan ng mga potensiyal na epekto ng El Niño.

Kabilang dito ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agriculture (DA), Department of Energy (DOE), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare at Development (DSWD), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Budget and Management (DBM), Department of Information and Communications Technology (DICT), National Economic and Development Authority (NEDA), at Presidential Communications Office (PCO).

Upang mapalakas ang mga pagsisikap ng Administrasyon sa pag-iwas sa mga epekto ng El Niño, inutusan ni Pangulong Marcos Jr. si DND Secretary Teodoro na italaga ang mga miyembro na ma-involve sa policy making tasks.

Ito ay upang matiyak ang epektibong alokasyon ng mga mapagkukunan at pagpapatupad ng mga estratehiya upang matugunan ang mga hamon na dulot ng El Niño.

Sa layuning ito, tinalakay ng DND chief ang intervention updates at patuloy na aktibidad ng iba’t ibang sektor mula sa DENR (tubig), DA (food), DOE (energy), DOH (health) at DILG (public safety).

Bukod dito, nanawagan din si Pangulong Marcos Jr. sa iba’t ibang departamento na maglahad ng mga ulat sa kani-kanilang mga prayoridad na programa.

Kabilang dito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Migrant Workers (DMW), at Department of Labor and Employment (DOLE).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter