EO na layong palakasin ang maritime security ng Pilipinas, nilagdaan ni PBBM sa gitna ng tensiyon sa WPS

EO na layong palakasin ang maritime security ng Pilipinas, nilagdaan ni PBBM sa gitna ng tensiyon sa WPS

PINIRMAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 57 na naglalayong palakasin ang maritime security ng bansa at maritime domain awareness ng mga Pilipino.

Ito ay sa gitna ng mga tensiyong naganap sa West Philippine Sea (WPS) sa pagitan ng China at Pilipinas.

Sa anim na pahinang EO 57, binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan ng nasabing kautusan sa gitna aniya ng banta sa integridad ng teritoryo ng bansa.

Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, ang pagpapalakas sa maritime security ng bansa ay kinakailangan.

Sa ilalim ng EO 57, binago at pinalitan ni Marcos ang pangalan ng National Coast Watch Council (NCWC) sa National Maritime Council (NMC), na pamumunuan ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Ang NMC ay inatasang bumalangkas ng mga patakaran at estratehiya upang matiyak ang epektibong plano para sa maritime security ng bansa.

Inutusan din ni Marcos ang NMC na bumalangkas at maglabas ng mga guidelines para sa epektibong pagpapatupad ng EO 57 sa loob ng 60 araw mula sa pagiging epektibo nito.

Ang mga miyembro ng NMC ay ang mga kalihim ng Department of National Defense (DND), National Security Adviser (National Security Council), Department of Agriculture (DA), Department of Energy (DOE), Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Department of Foreign Affairs (DFA).

Ang mga kalihim ng Department of Finance (DOF), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Transportation (DOTr) ay miyembro din ng NMC kasama ang Solicitor General at ang Director General ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Ang National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), na nilikha sa pamamagitan ng EO 94 (s. 2016) ay magiging kalakip sa NMC.

Makakatanggap din ang naturang task force ng policy guidance mula sa Pangulo sa pamamagitan ng NMC.

Ang EO 57 ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Marso 25 ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter