Establisyemento sa Makati na hindi nagbabayad ng buwis, ni-raid ng BIR

Establisyemento sa Makati na hindi nagbabayad ng buwis, ni-raid ng BIR

NI-raid ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang ilang establisyemento sa bahagi ng Makati City na hindi nagbabayad ng tamang buwis at posibleng mawalan pa ng lisensiya sa pagnenegosyo.

Ito’y pagpaigting ng BIR sa kampanya laban sa tax evasion at illicit trade.

Patunay rito ang ikalawang Nationwide Joint Enforcement Operations, hapon ng Huwebes, Hulyo 13.

Iba’t ibang lugar din sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang nagsagawa ng operasyon.

Sa National Capital Region (NCR), mismong si BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. ang nanguna sa operasyon kasama pa ang iba pang opisyal ng BIR.

Nasa dalawang establisyemento ang surpesang tinungo ng ahensiya sa lungsod ng Makati.

Sa unang establisyemento sa Legazpi St. sa Makati, imported na mga alak, vape, at sigarilyo ang kinumpiska na hindi bayad ang excise tax.

Kasunod nito, pinuntahan din ng mga tauhan ng BIR ang isang establisyemento sa Aguirre St. sa kaparehong lungsod.

Tumambad sa mga ito ang kahon-kahong mamahaling alak na maliban sa may excise tax deficiency at excise tax stamp.

Sinabi pa ni Commissioner Lumagui, maaaring makansela ang lisensiya ng may-ari na lumabag sa regulasyon ng ahensiya.

Punto ni Lumagui, seryoso ang pamahalaan na habulin ang mga negosyanteng hindi sumusunod sa panuntunan ng ahensiya partikular sa pagbabayad ng buwis.

P100-B excise tax, nawawala sa gobyerno kada taon dahil sa hindi nagbabayad ng buwis—BIR

Sinabi pa nito na bilyon-bilyon ang nawawala sa gobyerno kada taon dahil sa hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Aniya, parte ng nakokolektang excise tax ay inilalaan ng pamahalaan sa healthcare system ng bansa.

Kaya naman, pursigido ang BIR na makolekta ito na makatutulong sa mamamayan para sa universal healthcare system.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter