MAGLALARO sa mas mataas na weight division si Filipino boxer Eumir Marcial sa Asian Games sa Hangzhou, China.
Mula sa middleweight class na 75 kilograms, pinaghahandaan ngayon ni Marcial ang light heavyweight category na 80 kilograms.
Ani Marcial, ito ang pinakamagandang alternatibo para sa kaniyang target na pagsungkit ng ginto sa Paris Olympics sa 2024.
Bagama’t nakatitiyak na magiging komportable rin siya sa kaniyang bagong weight class, inaasahan din ni Marcial ang mas malalakas na kalaban.
Sa ngayon ay nasa isang training camp si Marcial kasama ang Philippine Boxing Team sa Australian Institute of Sport sa Canberra, Australia.
Itinuring naman ni Marcial ang Asian Games bilang kaniyang huling tsansa na ma-qualify sa Paris Olympics at patuloy na abutin ang ginintuang pangarap.