INIHARAP ng National Bureau of Investigation (NBI) sa media si dating Negros Oriental Rep. Arnie Teves.
Ito ay kasunod ng ginawang pag-aresto ng Timor-Leste authorities sa kaniya at ang pagpapadeport dito sa bansa.
Dumating lagpas alas onse kagabi ang sinasakyang eroplano ni Teves sa Villamor Airbase, Pasay City.
Agad siyang dinala sa NBI para ito ay masuri.
Sa kaniyang pagharap sa media kaninang umaga, kasama nito ang kaniyang abogado at ang kaniyang ina.
Sa kabila ng lahat, nagawang ngumiti at kumaway ni Teves sa media.
Arnie Teves: My conscience is clear
Ayon kay Teves, malungkot ito dahil ikukulong na siya dito sa Pilipinas habang nililitis, pero naging pagkakataon din daw ito para makita niya ang kaniyang ina.
Ayaw na rin aniya kuwestiyunin ni Teves ang pagpapa-deport sa kaniya ng TL government.
Panahon na rin aniya para harapin niya ang kaniyang mga kaso.
Pero may hiling si Teves sa korte.
Sa kabila nito, ayon kay Teves, malinis aniya ang kaniyang konsensiya.
Ex-Cong. Arnie Teves, dinala na sa Bureau of Corrections para doon pansamantalang i-detine
Matapos iharap si Teves sa media, dinala na ito sa NBI Detention Facility sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City.
Doon siya pansamantalang ikukulong habang wala pang commitment order ang korte.
Inaasahan na agad na magkakaroon ng arraignment para kay Teves.
Ang korte ang magsasabi kung kailan ito dapat humarap sa korte para sa pagbabasa ng sakdal.
Pero kung ano ang ipapasok nitong plea sa arraignment, ayaw munang sabihin ng kampo.
Samantala, may inilatag na mga kondisyon ang gobyerno ng Timor-Leste bago tuluyang ipa-deport pabalik sa Pilipinas si dating Congressman Arnie Teves.
Kabilang sa mga ito ang katiyakan na hindi siya bibigyan ng parusang kamatayan at hindi rin siya sasailalim sa anumang uri ng political prosecution.
Ito ay bahagi ng mga international legal safeguards na karaniwang ipinapatupad sa mga kaso ng deportation upang matiyak na mapangangalagaan pa rin ang karapatang pantao ng isang indibidwal kahit ito’y nahaharap sa mabibigat na kaso.