HANDANG harapin ni dating Philippine National Police Chief Gen. Oscar Albayalde ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC).
Binigyang-diin ng dating PNP Chief na inosente siya sa sinasabing human rights abuses kaugnay sa drug war campaign ng Duterte admin.
Matatandaang si Albayalde ang ikalawang PNP Chief ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte nang ipinapatupad ang drug war.
Kasunod ito sa inilabas ni dating Sen. Antonio Trillanes sa kaniyang social media noong Hulyo 28 hinggil sa update ng drug war case na nakahain sa ICC.
Ang nilalaman sa dokumentong ibinahagi ni Trillanes mula sa Office of the Prosecutor ng ICC, pinangalanang suspek sina Sen. Bato dela Rosa kasama ang dating mga opisyal ng Philippine National Police gaya nina Oscar Albayalde, Edilberto Leonardo, Eleazar Mata, at dating CIDG Chief at kasalukuyang North Luzon Commander Major General Romeo Caramat Jr.
Samantala, naniniwala pa rin naman aniya siya na hindi magbabago si Ferdinand Marcos Jr. sa paninindigan nito na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.