Muling iginiit ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na wala siyang kinalaman sa umano’y katiwalian sa flood control projects at tumangging maging ‘fall guy’ sa kasalanan ng iba.
Sa inilabas na video message, sinabi niyang haharapin niya ang mga alegasyon at pinahintulutan ang agarang paglalabas sa publiko ng kaniyang affidavit at mga ebidensiyang isinumite sa imbestigasyon.
Iginiit ni Romualdez na hindi iisang tao lamang ang gumagawa ng pambansang budget dahil dumaraan ito sa Ehekutibo, Kamara at Senado bago maaprubahan.
Nanawagan din siya sa Office of the Ombudsman na sundin ang due process at ibatay ang imbestigasyon sa ebidensiya, hindi sa public pressure.
Nauna nang kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan si Romualdez kaugnay ng umano’y plunder at money laundering.
