ISINAGAWA ang isang grand welcome at awarding ceremonies nitong Miyerkules na tinawag na ‘Gabi ng Parangal at Pasasalamat Para sa Bayaning Atletang Pilipino’ sa katatapos na 19th Asian Games sa Hangzhou, China..
Layon nitong ipagdiwang ang tagumpay at bigyang-pugay ang mga Filipino medalist.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagbibigay ng parangal at insentibo sa Filipino medalists ng 2023 Asian Games.
Ginanap ang event sa Rizal Memorial Coliseum sa lungsod ng Maynila.
Sa kaniyang talumpati, kinilala ni Pangulong Marcos ang sakripisyo ng mga atletang Pilipino na may kasamang disiplina at matinding pagsasanay.
“On behalf of a proud and a grateful nation, I salute and I recognize the excellent performance that you displayed in the 19th Asian Games,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Bukod sa mga atleta, kinilala rin ni Pangulong Marcos ang mga coach, trainers, nutritionists, physiotherapist, na tumulong at nagsakripisyo rin upang makamit ang pinapangarap na mga medalya para sa Pilipinas.
“Kaya naman, talagang team effort itong lahat. Team Philippines talaga ang nilaban natin. Kaya to our hardworking coaches, the leaders of the various sports associations, and of course, to our athletes, congratulations at maraming, maraming salamat sa inyong ginawa,” dagdag ng Pangulo.
33 Filipino medalists ang tumanggap ng Presidential Citation, bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang kahusayan at tagumpay sa kani-kanilang sports sa Asian Games.
Bawat isa sa mga medalist ay tumanggap ng insentibo mula sa Philippine Sports Commission (PSC) sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na may kabuuang P19.1-M.
Mayroon ding ipinagkaloob na karagdagang insentibo mula sa Office of the President, na nagkakahalaga ng collective P22.8-M.
PBBM: Tagumpay ng Asian Games Medalists, nagbigay ligaya at nagpalakas ng morale ng mga Pilipino
Binigyang diin ni pangulong Marcos na ang tagumpay ng Asian Games Medalists ay nagpalakas ng morale ng mga Pilipino at nagbigay ng ligaya sa buong bansa.
“Marami tayong hinaharap na kung minsan ay nakakalungkot. Ngunit, dahil sa ginawa ninyo, nakangiti ang buong Pilipinas noong kayo ay bumalik galing sa 19th Asian Games. Mataas ang morale ng Pinoy ngayon, lalo na kayo, kayong mga bata, ‘yung mga magiging atleta rin,” ayon pa kay Pangulong Marcos.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ang mga medalyang natanggap ng mga atleta noong Asian Games 2023 ay patunay na tunay na world-class ang mga Pinoy sa international sports arena.
Samantala, may hamon naman si Pangulong Marcos sa mga atleta.
“Sa ating mga atleta, ito, ganito ang hamon ko sa inyo: Keep aspiring, keep believing, keep working. Spare no effort to unlock your full potential and be the best versions of yourselves. Know fully well that the government and the entire nation is with you every single step of the way,” hamon ni Pangulong Marcos.
Sa kabilang dako, nagpaabot din ng pasasalamat ang mga atleta sa ipinagkaloob na parangal sa kanila.
Ang Asian Games 2023 medalists ay sinamahan ng kani-kanilang pamilya.
Nakilahok din sa okasyon na ito ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan, kolehiyo, at unibersidad sa Metro Manila.
Tampok din sa event ang pagtatanghal ng mga artista at musikero ng Konsyerto sa Palasyo.