INABUTAN ng tulong pinansiyal ang mga pamilya ng nasawing miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa bakbakan sa Barangay Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan noong nakaraang linggo.
Ayon kay Joint Task Force Basilan commander Brigadier General Domingo Gobway, tig-10,000 piso ang naipagkaloob na tulong sa pamilya ng 7 nasawing MILF.
Sinabi ni Gobway na maayos na ang peace and order situation sa lugar matapos malagdaan ang ceasefire agreement sa pagitan ng militar at MILF.
Nabatid na sa ilang araw na bakbakan ay nasawi ang 3 sundalo habang nasugatan ang 17 iba pa.
Kinilala naman ni Presidential Adviser for Peace Reconciliation and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. ang epektibong pagpapatupad ng peace mechanism upang maresolba ang gusot sa magkabilang panig.