NAPALUHA si suspended National Irrigation Administration (NIA) Administrator Benny Antiporda laban sa alegasyon na inihain sa kanya ng mga empleyado ng ahensya.
Sa kanyang pagharap sa media, sinabi nito na ang mga inihaing reklamo laban sa kanya ay may kinalaman sa kanyang ginagawang paglilinis laban sa korapsyon.
Hindi aniya mapagkakaila na talamak ang korapsyon sa NIA, ito aniya ang dahilan kung bakit idinidiin siya sa mga alegasyon na pawang kasinungalingan.
Giit ni Antiporda, malaki ang sindikato na kanyang binubuwag matapos nitong matuklasan ang iligal na transaksyon ng ilang kawani ng NIA.
“Kailangan kong tanggapin na mas malakas sa akin yung sindikato. Mas matibay po sila meron po silang suporta ng ilang mga contractor na hindi na rin natin balak pang bigyan ng proyekto dahil po dahil yung mga proyektong ginawa nila ay hindi natapos. Mukhang ganon ang direksyon, ganon ang nangyayari,” ayon kay Usec. Benny Antiporda, former Administrator, NIA.
“Lilinawin ko lang po na ang laban po natin ngayon ay korapsyon. Korapsyon kontra attack sa akin, this is a smeare campaign. This is a smear campaign against me and against the people of the Philippines. Bakit, ang ipinaglalaban ko po ang mga kababayan na magkaroon ng patubig base sa pondo na inilalaan sa atin,” aniya pa.
Nakapagtataka aniya dahil ang mga naghain ng reklamo laban sa kanya ay nai-promote pa niya sa posisyon.
Itinanggi rin nito ang mga reklamo ng mga empleyado na hina-harass.
Halata umanong sinadya ang mga ito upang ipahiya siya at ang Presidente Marcos na naglagay sa kanya sa puwesto.
Ani Antiporda, handa niyang harapin ang akusasyon laban sa kanya pero apela niya sa Office of the Ombudsman bigyan siya ng patas na pagtrato sa pagreklamo.
Kaduda umano ang mabilis na aksyon ng Ombudsman sa reklamong inihain laban sa kanya pero ni isang kopya ng reklamo ay wala siyang natanggap.
Giit nito, dapat din mabigyan ng mabilis na aksyon ng Ombudsman ang inihain nilang kaso laban sa dalawang opisyal na sangkot sa korapsyon.
“Yun po ang panawagan ko sa Ombudsman na sa halip na ako ang inyong yurakin ng ganito dahil sa mga hindi makatotohanang sumbong sana po ay tulungan niyo kami sa aming laban kontra korapsyon. Naniniwala ako na hindi lang Ombudsman ay may hawak lang nito, may kamay po sa likod na ito. Naniniwala po ako sa ganon, hindi ako naniniwala na si Ombudsman Martires na hahayaan ang ganito, although nakita natin na siya mismo ang pumirma pero Sir Ombudsman nanawagan po ako sa inyo, hinihiling ko po yung tulong ninyo. Ipagtanggol po natin ang pondo ng taumbayan. Ipagtanggol ang kinabukasan ng taumbayan,” ayon pa kay Antiporda.
Kasabay nito, inihayag din niya na handa siyang bumitiw sa puwesto dahil hindi raw siya kapit-tuko sa posisyon.
At naiparating na rin niya kay DA Undersecretary Domingo Panganiban ang nais na niyang pagbibitiw sa puwesto.
Pero sinabi ni Panganiban na manatili lamang sa posisyon dahil ikokonsulta muna nila ito kay Pangulong Marcos.
Matatandaang, isinailalim ng Office of the Ombudsman si Antiporda sa anim na buwang preventive suspension.
Ito ay matapos ang inihaing administrative complaints nina Atty. Lloyd Allain Cudal at Michelle Gonzales Raymundo at ilang mga empleyado ng NIA.
Ito ay tumutukoy sa mga reklamong administratibo dahil sa umano’y Grave Misconduct, Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, Harassment, Ignorance of the Law, at Oppression, na hiwalay na isinampa.
Iba pa rito ang reklamo mula sa NIA Concerned Employee at NIA Employees Association of the Philippines.
Batay sa nakasaad sa mga pahina, inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na sa kanilang pagsusuri sa records ay malakas ang kaso laban kay Antiporda.
