Fixer ng pekeng ‘CENOMAR,’ arestado

Fixer ng pekeng ‘CENOMAR,’ arestado

ARESTADO kahapon ang isang fixer matapos mahuling nagbebenta ng pekeng Certificate of No Marriage Record (CENOMAR).

Isang fixer ang nasakote matapos malaglag sa patibong ng Anti Red-Tape Authority.

Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at National Bureau of Investigation (NBI) ang isang fixer na nag-aalok ng “legitimate” Certificate of No Marriage Record (CENOMAR) para sa mga gustong magpalit agad ng kanilang status  mula sa “pagiging married ” papunta sa pagiging “single.”

Naaresto ang fixer sa labas ng Philippine Statistics Authority (PSA) main office sa Quezon City noong Lunes.

Nangyari ang pagka-aresto matapos ang mahabang pagmamatyag ng mga ARTA undercover agents.

Noong Oktubre 28, 2021 nilapitan ng fixer ang isang ahente ng ARTA na naglalakad sa kahabaan ng PSA main office exit.

Tinanong ng fixer ang ahente kung ano ang pakay nila sa pagbisita sa opisina ng gobyerno, at nang sabihin ng ahente ang kanilang pakay patungkol sa mga kinakailangan para sa isang CENOMAR, inalok ng suspek ang kanilang mga ilegal na serbisyo sa halagang p3, 500.

Ang ahente at ang fixer ay nagkasundo na magkita noong 8 ng Nobyembre 2021, na kinalaunan ay humantong sa pag-aresto sa nasabing fixer.

Sa pag-inspeksyon, napag-alamang nagbebenta ng pekeng dokumento ang fixer.

Nagpasalamat naman si Secretary Jeremiah Belgica, ARTA Director General, sa mga opisyal ng PSA sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad para arestuhin ang fixer.

“Nagpapasalamat tayo sa NBI, sa pamumuno nila Director Distor, at gayon din po sila Usec. Dennis Mapa ng PSA sa pakikipagtulungan para mahuli po ang mga fixer,”ayon kay Secretary Belgica.

Binalaan din ni Belgica ang publiko na ang pakikipag-ugnayan sa mga fixer ay mangangahulugan na sila ay nakikipag transaksiyon sa pekeng dokumento.

“Mag-ingat ho tayo, huwag tayong pumatol sa mga fixer kasi ganyan mangyayari, mabibigyan kayo ng mga peke,” dagdag nito.

Nasa kustodiya na ngayon ng NBI ang suspek at posibleng kasuhan ng paglabag sa Republic Act no. 11032 o Ease of doing Business and Efficient Government service delivery Act of 2018.

Maliban sa streamlining, isa rin ito sa mga ginagawa ng ARTA bilang tulong laban sa corruption ay hulihin ang mga tiwaling fixer sa ibat-ibang tanggapan ng gobyerno.

SMNI NEWS