TINUTULUNGAN ng Ministry of Transport ng Singapore ang mga awtoridad ng Nepal upang ma-retrieve at maproseso ang mga datos mula sa flight recorders ng Yeti Airlines Flight 691 na nag-crash sa Pokhara noong Enero 15.
Ito ay kasunod ng rekwes na imbestigasyon ng mga opisyal sa Nepal.
Ang pagpoproseso ay isasagawa sa Ministry of Transport Safety Investigation Bureau Flight Recorder Readout Facility na itinayo noong 2007.
Ang flight recorder na mas kilala bilang black box ay isang electronic recording device na inilalagay sa eroplano para malaman ang mga detalye kung sakaling maaksidente ito.
Sa pamamagitan ng black box ay nairerecord ang engine sounds, instrumental warnings at iba pang audio recordings sa flight nito.
Mayroon ding cockpit voice recorder na nagtatala ng audio signal mula sa microphone at earphone ng headset na ginagamit ng mga piloto.
Ang 3 miyembro ng investigation team ay dadalhin naman ang flight data recorder at cockpit voice recorder sa Singapore.