NAGPAHAYAG ng pagkabahala si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa napaulat na posibleng madagdagan ang kasalukuyang siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) site na mayroon ang bansa.
Kung totoo, hindi sang-ayon si dating PRRD na madagdagan pa ang mga EDCA site sa Pilipinas.
Ito’y matapos mapag-usapan sa social media na posibleng madagdagan pa ang apat na inaprubahan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa isang chance interview ng SMNI News kay dating Pangulong Duterte ay nagpahayag ito ng pagkabahala.
“Seventeen, that’s what I’ve heard, 17 bases all over the country, and its bad it’s really, really bad…purposes.”
“Seventeen is too much it would not help us…but rather it will place it in the highest ladder of jeopardy in being a target in case of a war but war is still a war if there are foreign bases in the country,” pahayag ni FPRRD.
Una nang nagpahayag si dating Pangulong Duterte ng kaniyang pagkabahala kaugnay sa pagpapalawak ng EDCA sites sa bansa.
Aniya, ang pagdami ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa ay nangangahulugang magkakaroon ng seryosong problema ang Pilipinas.
“More bases means more missiles coming our way, more target of the Philippines, that’s the problem,” ayon kay FPRRD.
Sinabi rin ni dating Palace spokesperson Atty. Harry Roque na nararapat na pag-aralan muli ng pamahalaan kung dapat pa bang ipagpatuloy ang EDCA ng Estados Unidos lalo na at matatapos na ang kasunduan sa 2024.
Pero para kay dating Pangulong Duterte, nakatuon ngayon sa administrasyong Marcos kung papaano nito gagamitin ang kasunduan para sa interes ng mga Pilipino o magiging malaking problema.
“I have yet to hear from the government regarding …..an issues..it’s still an issue not a problem…if it will materialize,” ani FPRRD.
Magugunitang nagbigay ng katiyakan si Pangulong Marcos na hindi niya hahayaang magamit ang EDCA sites bilang launching pad ng Estados Unidos kasunod ng pahayag ng Chinese Foreign Ministry na gagamitin ang apat na karagdagang EDCA sites bilang paghahanda para sa posibleng pagsiklab ng gulo sa Taiwan Strait.