WALANG kinalaman si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa balitang pag-isyu ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas ng warrant of arrest kay dating Pangulong Roa Rodrigo Duterte.
Kahit ang tulong ng Punong Ehekutibo kaugnay nito ay hindi rin hinihingi ng dating pangulo.
Ito mismo ang isinagot ni dating Pangulong Duterte kay Atty. Salvador Panelo sa isang radio interview.
“Let me be very clear on this also. Mr. Marcos has nothing to do with the ICC. As a matter of fact, I am not asking for his help. Sarili ko itong… they started even before him. Ako na ang bahala sa sarili ko dito. I will deal with the ICC myself. Hindi ko kailangan si (Pres.) Marcos,” ayon kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Kayong mga sundalo tumabi muna kayo kasi hindi ninyo ito away,” dagdag nito.
Bago pa umugong ang balita na aarestuhin na si dating Pangulong Duterte ay makailang beses na nga bang sinabi ni Pangulong Marcos na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.
Atty. Panelo: Walang basehan ang ICC warrant of arrest vs FPRRD
Bilang isang abogado at dating miyembro ng gabinete ni dating Pangulong Duterte, ganundin ang naging pahayag ni Atty. Panelo.
“There can be no basis of a warrant of arrest. Number 1, ang nag-i-issue ng warrant of arrest ay ang hukuman. Eh wala ng demanda sa kanya. ‘Yung demanda sa kaniyang grave threats ay dinismiss na. So paano magkakaroon ng warrant of arrest? ‘Yung sa ICC naman, isa rin. Bago mag-issue ng warrant of arrest ‘yan, dapat tapos na ‘yung preliminary investigation. Nagkaroon na ng determination ng probable cause. Eh wala nga eh. Ni hindi nga malaman kung nag-iimbestiga sila o hindi. Kasi dapat ino-notify mo ‘yung mga respondents – wala rin ‘yun,” ayon kay Atty. Salvador Panelo.
FPRRD: ICC, maaaring arestuhin kung ipipilit ang imbestigasyon
Samantala, sakali’t ipilit ng ICC ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa Pilipinas, ito naman ang babala ni Duterte.
“Oras na nag-conduct ng judicial probe ‘yan dito, that is a sovereign function. Then, they can be arrested for exercising a sovereign function, ‘cause they are not allowed,” ani Duterte.