MALAKING tulong ang fuel subsidies sa mga operator at tsuper na apektado sa tuluy-tuloy na taas-presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang binigyang-diin ni Senator Sonny Angara kaugnay sa fuel subsidies na ipinagkakaloob ng gobyerno sa nasabing sektor.
Ayon sa senador, kabuuang P3-B ang inilagak sa pambansang budget (General Appropriations Act) ngayong taon para sa transport fuel subsidies ng may 1.3 milyong benepisyaryo.
Base sa nilalaman ng fuel subsidy program, P10,000 ang ibibigay sa kada tsuper ng modernized public utility vehicles (PUVs; P6,500 naman para sa drivers ng traditional PUVs; P1,200 para sa delivery riders at P1,000 para sa tricycle drivers.
“Eleven weeks nang tuluy-tuloy ang taas presyo ng mga produktong petrolyo. At talagang napakalaking kalbaryo nito para sa PUV drivers. Malaki ang gastos, maliit ang kita— ganyan ang nangyayari sa kanila. Ang ibig sabihin, kahit ilang oras silang bumibiyahe, hindi pa rin nila mabibigyan ng sapat na pagkain ang kani-kanilang pamilya,” ani Sen. Sonny Angara, Chairman, Senate Committee on Finance.
“Mahalaga ang ginagampanang tungkulin para sa bayan ng ating PUV operators at drivers, at kung ano ang kayang ibigay na tulong sa kanila, kabilang na ang ayuda sa pambili ng langis, ay makakatulong para masiguro na tuloy-tuloy ang kanilang serbisyo para sa ating mga mananakay,” dagdag pa ng senador.
Nilinaw ni Angara na hindi ito ang kauna-unahang pagkakaloob ng gobyerno ng fuel subsidies sa transport sector.
Aniya, maging noong 2022, kabuuang P2.5-B ang ibinuhos sa Department of Transportation (DOTr) para sa programa.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, nagpanukala ang ehekutibo ng panibagong P2.5-B na ilalaan sa fuel subsidies para sa transport sector.
Mababatid na sa 2023 GAA o sa umiiral na national budget, ipinaliwanag ni Angara na bagaman P2.5-B lamang ang proposed budget ng Palasyo para sa fuel subsidies, dinagdagan ito ng Kongreso ng P500-M.
Bilang reaksiyon naman sa kautusan ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi sakop ng BSKE election ban ang distribusyon ng fuel subsidies, sinabi ni Angara na walang dahilan upang magkaroon ng delay sa implementasyon ng fuel subsidy program.
“Kung naisumite na rin lang ang mga kinakailangang requirement at identified na ng mga kinauukulan ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy, dapat ay maging mabilis ang Land Bank of the Philippines sa downloading ng fuel subsidies sa mga identified beneficiaries,” diin ni Angara.
Liban sa P3-B ibinigay sa transport sector, sinabi ng senador na P1-B din sa ilalim ng 2023 GAA ang inilaan bilang fuel assistance sa mahigit 300,000 magsasaka at mangingisda.
Sa naturang P1-B, P510M ang inilagak sa Department of Agriculture (DA) bilang fuel assistance sa mga magsasaka, habang P489.6-M naman para sa mga mangingisda na inilagak naman sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Matatandaan na nitong 2022, pinaglaanan din ng P500-M ang DA para sa kanilang fuel assistance program, na itinaas sa P1-B ngayong taon sa ilalim ng 2023 national budget.