Full implementation ng F2F classes sa Nobyembre, solusyon sa kawalan ng kita ng mga tsuper – transport group

Full implementation ng F2F classes sa Nobyembre, solusyon sa kawalan ng kita ng mga tsuper – transport group

INIHAYAG ng isang transport group ang kanilang pananaw sa muling pagbubukas ng face-to-face (F2F) classes sa bansa.

Ayon kay Orlando Marquez, national president ng Liga ng Transportasyon at operator ng Pilipinas (LTOP), kung sila ang tatanungin ay handang-handa ang kanilang sektor upang magbigayserbisyo sa mga mag-aaral na papasok sa kani-kanilang mga paaralan sa Nobyembre.

Ito ay tiniyak ni Marquez sa oras na simulan na ang full implementation ng physical classes sa bansa, kasunod ito sa pahayag ng “The Passenger Forum” (TPF) na hindi pa umano handa ang transport group sa muling pagbubukas ng pasukan.

Pagbibigay-diin pa nito, malaking ginhawa para sa mga tsuper kung sisigla at dadami ang kanilang mga pasahero.

Sa ngayon kasi iilan na lang sa mga drayber ang namamasada, dahil kalimitan ay tumigil dahil sa mataas na singil sa presyo ng langis at sa pahirap na kita.

Sa datos na ibinahagi ng LTOP, tinatayang nasa 35,00 public utility jeepneys na lang ang namamasada ngayon sa Metro Manila.

Mas mababa ito kung ikukumpara noong wala pang pandemya at krisis sa langis na halos higit 100,000 jeepneys.

Aniya, marami-rami na rin sa mga public utility drivers ang nagsitigil sa pamamasada dahil sa matinding epekto ng sunod-sunod na bigtime oil price hike.

Pero, kung ang kalusugan naman ng mga mag-aaral ang pagbabasehan sa pagsakay nila ng pampublikong transportasyon, may rekomendasyon ang LTOP para dito.

“Kaya baka hinihingi ng mga estudyante, mga magulang ay sasakay doon sa maluwag na hindi talagang siksikan ay siguro advise namin na bibili na lang siguro sila ng tig-iisang kotse para hindi sila maano doon sa ating COVID. ‘Yun ho ang aming rekomendasyon dahil tayo naman ay malaya kaya kami bilang binigyan ng pahintulot ng gobyerno na magsakay na nang punuan,” pahayag ni Marquez.

Kasabay nito, itinutulak naman ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang fleet rationalization bilang paghahanda sa pagbubukas ng face to face classes kasunod ito sa pahayag ng TPF.

“Kanina napag-usapan namin na dapat ituloy ‘yung tinatawag na fleet rationalization at meron pong isang grupo na gumagawa ng study. Unfortunately, parang hindi pa natatapos ang kanilang full study sa fleet rationalization and we will work closely with them para matapos natin ‘yan bago mag-start ‘yung face-to-face class,” pahayag ni Bautista.

Sa katunayan, nakikipag-coordinate ang DOTr sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Interior and Local Government (DILG) para pag-usapan ang mga posibleng gawin ng mga departamento para sa nalalapit na full implementation ng physical classes.

Patuloy pang pinag-aaralan ng DOTr ang posibilidad na magdagdag ng ruta upang hindi kulangin sa transportasyon ang mga mag-aaral.

Ito ang pahayag ng kalihim sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw.

Sa gitna nito, ipinanawagan din ni Marquez sa LTFRB na magkaroon sila ng public transport summit conference upang mabigyang pansin ang kanilang hinaing.

“Ang pakiusap sana namin po ay harapin kami ng ating bagong secretary at bagong chairman ng LTFRB. Ang hinihiling namin ay public transport summit conference para sa ganun po ay mailatag namin ang problema at makapagbigay kami ng solusyon kung nararapat. ‘Yan po ang aming kahilingan,” ani Marquez.

Sa ipinadalang text message ni LTFRB Chairperson Atty. Cheloy Garafil, bukas ito upang makipag-dayalogo sa ibat ibang transport group.

Pagbibigaydiin nito, ang pagbibigay solusyon sa mga problema at hinaing ng mga transport group ay unang-unang prayoridad ng ahensiya.

 “Of course, we will not only listen to them but we will cooperate with them para mabigyang solusyon ang mga problema sa transport. Isa ito sa mga prayoridad ng ahensya,” ayon kay Garafil.

Samantala, sa usapin naman ng bigtime rollback sa produktong langis para sa linggong ito, umaasam pa rin ang nasabing transport group sa malaking bigtime rollback.

Bagama’t ipinagpapasalamat nila ang pagpatutupad ng rollback sa langis ay hindi pa rin sila kuntento dahil doble pa rin naman ang itinataas nito.

“So, sinasabi nila na big time rollback na, ang sabi ko sana gayahin nyo ‘yung inincrease niyo doon na P11 di ba? Pero kailangan na umabot muna kami doon sa ceiling price dahil ‘yung P11 ang katapat diyan na presyo ng krudo natin ay P50 ‘yung aming pinagku-computan. Kaya kung pumasok na doon sa P50 ang krudo ay napakalaking ginhawa ng sambayanang Pilipino ‘yan,” ayon pa ni Marquez.

Mababatid, ngayong Martes ay ipatutupad ang bigtime rollback sa presyo ng produktong petrolyo.

Sa abiso ng ilang kumpanya ng langis, inaasahan ang bawas na P6.10 sa kada litro ng diesel habang nasa P5.70 naman sa kada litro ng gasolina at nasa P6.30 naman sa kerosene.

Ito ang inanunsyo ng ilang kumpanya ng langis na maipatutupad ngayong araw, Hulyo 12, kabilang ang Petro Gaz, Shell, Seaoil at Cleanfuel.

Follow SMNI News on Twitter