Grace Poe: 9-dash line claim, wala sa pelikulang “Barbie”

Grace Poe: 9-dash line claim, wala sa pelikulang “Barbie”

MAY pahayag ang dating chairman ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na si Senator Grace Poe sa kontrobersiyal na pelikula na naglalaman umano sa claim ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

“Pero ‘yung ni-review ko ‘yung litrato, ito ‘yun eh no, parang drawing ng bata. Kung nakita ninyo ‘yan,” ayon kay Sen. Grace Poe, Chairman, Senate Committee on Public Services.

Ang litratong iyon ay kuha sa eksena ng Hollywood film na “Barbie”.

Banned sa Vietnam ang nasabing pelikula dahil may depiction anila ito sa South China Sea.

Lalo na ang claim ng China sa 9-dash line.

Ngayong isa ang Pilipinas sa claimants sa pinag-aagawang teritoryo, dapat din bang i-ban ang pelikula sa bansa?

Saad ni Senator Grace Poe na dating chairman ng MTRCB,

“‘Ni hindi nga nakalagay ‘yung pangalan ng Pilipinas diyan eh. Indonesia, Malaysia or Vietnam wala naman dito ni China wala. Di ba fiction nga?” dagdag ni Poe.

Galing sa MTRCB ang litratong hawak ni Poe.

At ayon sa Movie and Television Review and Classification Board, hindi nila iba-ban ang nasabing pelikula.

“So ang mga dashlines diyan kapag binilang mo, hindi 9-nasa 20. Dahil ‘yan ay lakbay ni Barbie ‘yung mga dash na ‘yun,” ani Poe.

Ang kaniyang kapwa senador na si Francis Tolentino, hinimok ang MTRCB na i-ban ang nasabing pelikula.

Ang dahilan, nagpo-promote aniya ito ng gulo sa mga bansang claimants sa WPS.

Pero wala aniyang basehan para gawin ito ng board.

Sa halip, binigyan ng PG-13 rating ang pelikula o kailangan ng Parental Guidance ang mga manood edad 13 pababa.

“So siguro bago tayo magbigay ng statements, kailangan natin… kaya nga di ba we have to review the material in its entirety,” ayon sa senadora.

Naiintindihan naman ni Poe, na ngayon ay chairman ng Senate Committee on Public Services ang bugso nating mga Pilipino sa isyu ng agawan sa teritoryo.

“This is a geopolitical issue, so other producers be very mindful of that kasi meron nga tayong arbitral ruling in our favor,” dagdag ng senadora.

Dalawang pelikula na ang nai-ban ng MTRCB sa bansa sa isyu ng 9-dash-line.

Pina-review naman ng MTRCB sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang latest na pelikula.

Iginiit naman ng isang Chinese official na hindi dapat iugnay ng Vietnam sa South China Sea issue ang isang normal cultural exchange gaya ng sa mga pelikula.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter