Grupo ng tricycle drivers, naglabas ng hinanakit laban kay PBBM sa isyu ng motorcycle taxi

Grupo ng tricycle drivers, naglabas ng hinanakit laban kay PBBM sa isyu ng motorcycle taxi

TUTOL ang nagkakaisang hanay ng motorcycle riders at iba pang transport group laban sa plano ng Marcos administration na magpapasok ng bagong players sa motorcycle (MC) Taxi Industry.

Plano umano kasi ng Malacañang na magpapasok ng pitong bagong MC taxi companies.

Mangyayari kasi na dadami lalo ang kanilang kakumpetensiya sa hanapbuhay lalo na sa mga nagta-tricycle.

“We are not against to any government agency [or] to any government official but we are fighting for our rights, pagkain sa hapag kainan ang hinihingi ng hanay namin especially sa TODA at sa taxi na sapul na sapul dahil kami po ang na-aagawan ng pasahero,’ giit ni Ariel Lim, President, National Public Transport Coalition.

“Sa sektor po namin sa tricycle, baka po pagdating ng araw mawalan na rin po kami ng pasahero. Sa pamamagitan po kasi ng aps na ‘yan, mabilis pong makakuha ang kanilang hanay ng mga pasahero,” saad naman ni Alfredo Severa, tricycle group sa San Juan.

Pinatututukan ngayon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang pagpasa ng batas para sa legalisasyon ng motorcycle taxis.

Katunayan, hinarap ng Pangulo sa Malacañang ang mga taga-Grab na ngayon ay inalis naman sa Motorcycle Taxi Pilot Program.

Ngunit para sa grupo, mas pinapaboran ni Marcos Jr. ang mga pribadong kompanya kaysa sa mga ordinaryong drayber na bumoto sa kaniya noong eleksiyon.

“We are just fighting for our rights because we need food in the table,” muling giit ni Lim.

Nais naman ng hanay na tumalima ang pamahalaan sa usapan na huwag munang magpapasok ng bagong MC player habang hindi pa tapos ang MC Pilot Program.

At dapat ilabas ang resulta ng pag-aaral bago buksan ang merkado sa mga bagong kompanya.

Tatlong kompanya ngayon ang may pahintulot na sumali sa MC Taxi Pilot Study.

Kabilang diyan ang Angkas, JoyRide, at Move It, habang tinanggal ang Grab dahil sa umano’y iba’t ibang paglabag.

Nilinaw naman ng grupo na hindi sila tutol sa motorcycle taxi pero sana ay huwag na itong dagdagan pa.

“Hindi kaya iniisip ng mga kasama ni BBM na sa dami ng problema nila sa pulitika gusto nila na daragdagan ang nagagalit sa kanila. Antayin nilang magalit pa ‘yung sektor ng transportasyon? Di ba buti nga ‘yung Grab may payapos-yapos pa eh. Kami hanggang ngayon hindi nakakausap eh? Ang hinanakit namin sapin-sapin na eh. Sana ngayon magising sila dahil hindi kami nagbibiro. We mean business, livelihood ang kailangan namin. Pagkain sa hapag kainan, ‘yan ang ipinaglalaban namin,” saad ni Lim.

Magsasampa naman ng kaso ang transport groups sa korte para ipahinto ang napipintong pagpayag ng dagdag na MC players.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble