NAKATAKDANG magpatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang ilang kompanya ng langis sa Martes, Abril 25 para sa mga motorista ang halos P2 bawas-presyo pero ilang motorista, hindi umano kuntento dito.
Pamamasada ng tricycle, ang hanapbuhay ni Tatay Marceliano sa kahabaan ng Guadalupe Nuevo sa Makati.
Nasa P300 lang ang kaniyang kinikita araw-araw sa pamamasada pero kararampot na lang daw ang nauuwi nito sa pamilya dahil higit sa P200 ang nagagastos niya sa pagpapakarga ng gasolina.
Nabatid na nasa 3 linggo na ang sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Pero, magpatutupad naman ng rollback ang ilang kompanya ng langis simula bukas, Abril 25.
Sa abiso ng ilang kompanya ng langis, inaasahan ang halos P2 bawas-presyo sa gasolina, halos P1 sa diesel at .20 sentimo naman sa kerosene.
Ito ang inanunsiyo ng ilang kompanya ng langis kabilang ang Seaoil, Petrogazz, Caltex, at Cleanfuel.
Mga motorista, hindi pa rin kuntento sa nakatakdang bawas-presyo sa produktong petrolyo
Gayunman, hindi kuntento ang ilang motorista dito tulad ni Tatay Marceliano.
“Sa akin, bakit parating ganyan…anong magagawa natin…,” ayon kay Marceliano, motorista.
Maging ang Grab driver na si Jefferson na nasa P1,000 ang gastos kada araw para lang sa krudo.
“Ay hindi sapat yon…’tas piso lang ibabawas kung ang ibabawas bukas piso…malulunok laway mo na rin…,” ayon sa motorista.
Kaya panawagan nila sa mga kompanya ng langis, taasan pa ang halaga ng ipinatutupad na rollback.
Anila, hindi kasi makatwiran ang halaga na ipinatutupad tuwing nagkakaroon ng price hike sa langis.
Matatandaang ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang nangyaring pagbabago sa presyo ng petrolyo sa nakalipas na linggo bunsod ng inflation na nangyari sa Estados Unidos.