SINIBAK sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) regional director Police Brigadier General Jose Melencio Nartatez Jr. si Pasay City Police chief Police Colonel Froilan Uy at 26 tauhan.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office chief Police Colonel Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame.
Ayon kay Fajardo, papalitan si Uy ni Police Colonel Mario Mayanes.
Si Uy at ang kaniyang mga tauhan ay iniimbestigahan sa umano’y kapabayaan sa sinalakay ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hub sa Pasay City nitong Oktubre.
Nabatid na bumuo na ang PNP Internal Affairs Service (IAS) ng Special Investigation Task Group (SITG) na pangangasiwa ng National at Regional IAS.
Sinabi ni PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na kabilang sa aalamin nila ay ang alegasyon ng kapabayaan ng hepe ng Pasay City Police at Pasay City Substation kaya nagkaroon ng ilegal na gawain sa kanilang nasasakupan lalo na ang prostitusyon.
Inaasahan na magiging mabilis ang gagawing imbestigasyon ng IAS dahil sa seryosong usapin sa kaso ng human trafficking.