Higit 3.5 milyong dosis ng Sinovac vaccine, dumating na sa bansa

Higit 3.5 milyong dosis ng Sinovac vaccine, dumating na sa bansa

DUMATING na ang panibagong batch ng milyun-milyong dosis ng Sinovac vaccine sa bansa bago mag-alas siyete ngayong umaga.

Lumapag sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport ang chartered flight ng pamahalaan kung saan sakay sa Philippine Airlines Flight PR 361 ang nasa kabuuang 3,530,400 dosis ng Sinovac vaccines.

Ang mga naturang bakuna ay binili ng Pilipinas sa bansang China.

Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Sec. Carlito Galvez   ang huling  Sinovac vaccine  na binili ng Pilipinas  na dumating ngayong araw ay ang huling deliver na sa bansa.

Sa ngayon higit 54M dosis ng Sinovac vaccines ang tinanggap ng Pilipinas kabilang na dito ang 2 milyong dosis na donasyong ng China sa bansa.

Tiniyak din ni Galvez na ang mga dumating na bakuna ngayong araw ay gagamitin para sa napapalapit nang National Vaccination Day at third dose o booster shots.

Aniya, ngayong nagsimula na ang unang araw ng third dose sa mga medical frontliners, naglaan ang pamahalaan dito ng 1.5 hanggang 2 milyong dosis para sa A-1 category group.

Meron ding inilaan na 5M dosis para sa booster shot ang pamahalaan para sa mga senior citizens o A2 Category.

Samantala, nasa mahigit 128 milyong dosis na COVID -19 vaccines ang tinanggap na ng Pilipinas simula Pebrero ng taong kasalukuyan.

SMNI NEWS