PERSONAL na sinalubong ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dumating na higit 3-M dosis ng Moderna COVID-19 vaccines nitong Martes sa Villamor Airbase, Pasay City.
Ang naturang Moderna vaccines ay natanggap ng bansa sa pamamagitan ng World Health Organization (WHO)-COVAX facility.
Sa isang talumpati, pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang Estados Unidos sa kabutihang loob nito na magkaloob ng iba’t ibang tulong para sa paglaban ng bansa kontra COVID-19 pandemic.
“I would like to extend my deepest gratitude to the COVAX Facility for the continuous donation of these vaccines. We look forward to the delivery of even more life-saving vaccines in the country very soon,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang mga donasyon ng medical supplies at equipment maging ang provision ng institutional support sa pagresponde ng bansa sa pandemya.
“All of these have helped, definitely will continue to help the Filipino people. Indeed, the cooperation between the Philippines and US in overcoming the pandemic highlights the strong and deep friendship between our two countries,” ayon sa Pangulo.
Kaugnay nito, tiniyak ni Pangulong Duterte na mailalaan sa maralitang Pilipino ang dumating na 3,000,060 doses na bakunang Moderna.
“I know that it is the sentiment of America that the vaccines that will be given to the Philippines should go first to those who have least in life. Yung mga mahirap. The poor ones who cannot afford,” ani Duterte.
Inihayag pa ni Pangulong Duterte na patuloy na hihikayatin ng pamahalaan ang iba pang indibidwal na ayaw pang magpabakuna, na magpaturok ng Moderna vaccines na donasyon ng Amerika.
Samantala, sinabi ni US Embassy in Manila Charge de Affaires John Law na sinisigurado nito sa mga Pilipino ang tulong mula sa US government lalo sa panahon na ito ng pandemya.
Tiniyak din ni Law na patuloy na makikipagtulungan ang US sa Pilipinas para sa mas available na ligtas at epektibo na COVID-19 vaccines.
Bago nai-deliver ang higit 3 million doses ng Moderna vaccines, nagbigay na rin ng donasyon ang Estados Unidos sa Pilipinas na 3.2 million doses ng single-shot Johnson & Johnson vaccine.
Samantala, iniulat ng Malakanyang na tinatayang nasa higit 22 million (22,726,060) doses ng COVID-19 vaccines ang darating sa Pilipinas ngayong buwan ng Agosto.
Nitong Agosto 2, dumating sa bansa ang 415,000 doses ng bakunang AstraZeneca na donasyon ng United Kingdom.
Ngayong unang linggo rin ng kasalukuyang buwan, nasa isang milyong doses ng Sinovac vaccines ang inaasahang darating sa bansa.
BASAHIN: 136.1-M doses ng COVID vaccines, inaasahan na darating sa loob ng anim na buwan