HUMIHIMAS na ngayon ng rehas na bakal sa jail facility ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-PDEG) sa Bicutan, Taguig ang isang 24-anyos na lalaki matapos maaresto sa ikinasang drug buy-bust operation sa lungsod ng Quezon at nahaharap na umano sa kasong Paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Batay sa inisiyal report ng SOU4A, naaresto ang suspek bandang 3:30 ng hapon ng Abril 30, 2024 sa kahabaan ng 1142 Balintawak Avenue, Brgy. Apollonius Samson, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si Elijah Andrew Pe Beneto y, Serrano a.k.a “Manuel”, 24, binata walang trabaho residente ng 111, Aramismis, Veterans Village, Quezon City.
Ang drug buy-bust operation ay pinagsanib-puwersa ng HPG4A, PS 3 Talipapa at QCPD, sa pangunguna ni PCpt. Vicente K. Bugnay na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nagtangka rin umanong tumakas ang suspek nang mapansin nito ang pre-arranged signal na ibinigay ng PB, ngunit nasupil naman ito ng arresting officer.
Kabilang sa naging saksi sa pagsasagawa ng marking at inventory sa mga nakuhang droga sa pinangyarihan ng operasyon ay ang miyembro ng barangay at media.
Nakuha mula sa naarestong suspek ang humigit-kumulang 100 gramo ng white crystalline substance na hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na P680-K, ID, cellphone, isang unit na motorsiklo, at iba pa.
Ayon kay Capt. Bugnay, isang linggo rin nilang isinailalim sa casing surveillance ang suspek bago naikasa ang drug buy-bust operation na nagresulta ng pagkakaaresto sa suspek.