PARA kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, hindi sapat ang pagbaba ng bilang ng mga krimen para masabing ligtas na ang isang bansa. Ang mahalaga, ayon sa kaniya, ay kung ramdam ba ng taumbayan ang seguridad sa kanilang paligid.
“Anuman ang ipakitang numero, ang pinakaimportanteng malaman ay kung ano ang nararamdaman ng taumbayan—kung ligtas ba sila o hindi,” ani Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa
Batay sa datos ng Philippine National Police, mula Enero 12–Marso 22, 2025, bumaba sa 7,301 ang bilang ng mga focus crimes—mula sa 8,950 na kaso noong Nobyembre 3, 2024 hanggang Enero 11, 2025.
Kabilang sa mga tinutukoy na focus crimes ang pagpatay, homicide, physical injury, panggagahasa, pagnanakaw, theft, at carnapping ng mga sasakyan at motorsiklo.
Giit ng senador, hindi sapat ang mga numerong ito kung hindi naman nararamdaman ng publiko ang epekto nito sa kanilang seguridad.
“Tanungin mo mga tao. Kung pakiramdam nila ay ligtas sila sa kasalukuyang kalagayan, ibibigay nila sa’yo ang totoo nilang sagot,” aniya.
“‘Wag lang puro figures. Kasi kahit maganda ang numero pero ang mga tao naman ay natatakot, wala rin. Dapat talagang malaman mo kung ano ang pakiramdam nila,” dagdag niya.
Dagdag pa ni Dela Rosa, dapat bumaba ang pamahalaan sa mga lansangan at tanungin mismo ang mga mamamayan upang malaman ang tunay na kalagayan pagdating sa usapin ng kaligtasan.
Para sa senador, ang tunay na sukatan ng tagumpay laban sa krimen ay hindi lang sa datos, kundi sa kung gaano kampante at ligtas ang nararamdaman ng bawat Pilipino sa araw-araw.
Isinusulong ni Dela Rosa na dapat sabayan ng pakiramdam ng seguridad ng publiko ang pagbaba ng crime rate upang masabing epektibo ang kampanya ng pamahalaan laban sa krimen.
Follow SMNI News on Rumble