HINDI lang ang Pilipinas ang bansa na sumailalim sa lockdown.
Ito ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte matapos sa mga puna kaugnay sa desisyon nito na muling ilagay ang Metro Manila at ang apat pang lalawigan sa palibot nito sa mas istriktong quarantine status.
Sinabi ni Duterte na marami ring bansa ang muling nagpatupad ng lockdown kabilang ang Ukraine, France, Germany, Poland, at Italy upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19.
“Ang gobyerno ba natin nagkulang? Ang gobyerno ba natin walang ginawa? Alam mo sa totoo lang ang naka-lockdown ngayon naka-lockdown ang mga countries of Ukraine, France, Germany, Poland, Italy,” pahayag ng Pangulo.
(BASAHIN: Germany, mas pinaigting pa ang lockdown hanggang Abril 18)
Isinisi ng Pangulo ang bagong strain ng COVID-19 kaya tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo.
“I would be the last person -ako ang pinakahuling tao dito sa Pilipinas na magpapahirap sa Pilipino,” ayon pa ng Pangulo.
Nimithi ng Pangulo na sana magkaroon ito ng kapangyarihan na palayasin ang COVID-19 sa bansa upang bumalik na ito sa normal.
“If only I had the power -kung nandiyan lang sa akin ‘yong power na like a magic wand na maalis kaagad itong problema natin, mawala, gagawin ko,” ayon sa Pangulo.
Inamin naman ng Pangulo na nahihirapan siya sa isyu ng COVID-19 kung saan aniya halos lahat ng kanyang oras ay nakatuon sa nasabing problema.
Noong Sabado ay inilagay ni Pangulong Duterte ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) simula Marso 29 hanggang Abril 4 matapos umakyat sa 10,000 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bawat araw.